Ina, Anak : Ang Kwento ng Dalawang Imelda

 

Jose Angelito P. Angeles, Michael Charleston B. Chua, Gretzhel Saligbon, Nancy Aenoh Cortez,

Webster Laurenana, Olivia Ontoria, Lea Abayao

 

RESEARCH PAPERS

 

 

Panimula

 

Isa sa mga tagpo sa unang bahagi ng mini-seryeng A Dangerous Life, na ipinalabas noong 1988 tungkol sa huling tatlong taon ng rehimeng Marcos, ay ang pagsasalo-salo sa palasyo para sa isang Amerikanong senador sa gabi ng paglilibing kay Ninoy Aquino.  Sinasalubong ni Pang. Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos (na ginampananan ni Ruben Rustia) at ng unang pamilya ang kanilang mga panauhin.  Katabi ni Gng. Imelda Remedios Visitacion Trinidad Romualdez-Marcos (na ginampananan ni Tessie Tomas) ang kanyang anak na si Imee na nagpakulot ng buhok na uso noong panahong yaon.  Inis na sinabi ni G. Marcos sa kanyang anak, “I don’t like what you did to your hair![1]

 

Ipinapakita sa tagpong ito ang masalimuot na ugnayan ng mag-inang Imelda at ng kanyang panganay na anak na babae na si Ma. Imelda o Imee—Magkakontra sa maraming bagay.  Laman ng tsismis ang bangayan ng dalawang mag-ina at ang kanilang matinding pagkakaiba sa maraming bagay.[2]  May basehan nga ba ito?

 

Marami na ang naisulat tungkol sa dating Unang Ginang at sa kanyang pamilya, positibo man o negatibo, subalit ang mga akdang kinonsulta sa pag-aaral na ito ay nagkukulang sa malalimang pagtalakay sa pagiging ina ni Imelda sa kanyang mga anak.  Maraming mga akda tungkol sa kanyang talambuhay ay tumatalakay lamang sa kanyang kabataan, papel niya bilang Unang Ginang, at Ina ng Bayan, ngunit pahapyaw lamang tinatalakay ang papel niya bilang ina ng tahanan.

 

Kami, na mga mag-aaral ng Kasaysayan 199.1 (Historyograpiyang Pilipino) sa ilalim ng aming gurong-tagapayo na si Dr. Milagros C. Guererro ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ay naatasan na magsaliksik tungkol sa ugnayang nagbibigkis sa mag-inang Imelda at Imee.  Bukod sa pagbasa ng iba’t ibang mga akda at artikulo, kami ay nabiyayaan ng pagkakataon na makapanayam sina Gng. Marcos (sa kanyang tahanan sa Lungsod ng Makati, noong Ika-26 ng Agosto, 2004) at ang kanyang anak na si Bb. Maria Imelda “Imee” R. Marcos[3], na lalong kilala sa tawag na “Kong. Imee” sa Ilocos Norte  (sa Batasang Pambansa, Lungsod Quezon, noong Ika-6 ng Setyembre, 2004).  Mula sa mga panayam na ito, malaliman nating makikita ang masalimuot na ugnayan ng mag-inang Imelda at Imee Marcos, marahil, sa unang pagkakataon.

 

 

Imelda:  Kakaibang Klase Ng Ina

 

Nang tanungin namin si Gng. Marcos na kung sa anumang paraan siya’y naging isang tipikal na ina na “nagpapabreast-feed ng mga anak, nagtitimpla ng kanilang gatas, binabasahan sila ng mga fairy tales bago matulog, at sinasamahan silang matulog kung sila’y natatakot?”

 

Ang kanyang  tugon ay, “Tipikal?  Alam mo, hindi lang tipikal yun, natural yun eh, yun ang natural eh.”  Ayon sa kanya, ang isang ina ay may responsibilidad na magbigay ng magbigay sa kanyang mga anak dahil hindi naman nila kagustuhan na maisilang sa mundong ito.  Inihalintulad niya ang pagiging ina sa isang punongkahoy na kung ano ang puno, siya ring dahon at bulaklak at kung hindi ito mamulaklak, ito’y mamamatay.

 

Kung babasahin ang transkripsyon ng panayam kay Gng. Marcos, mapapansin na ang mga tanong na may diwang paano ay sasagutin niya sa paraang sumasagot sa tanong na bakit.  Mas maraming pagpapaliwanang kaysa pagsasalaysay ng kung ano nga ba ang kanyang ginawa bilang isang ina.  Marahil, mayroon siyang hindi tuwirang masabi sa amin tungkol sa kanyang pagiging isang ina.  Naliwanagan kami kung bakit ganoon ang kanyang paraan ng pagsagot nang aming makapanayam si Kong. Imee.

 

Bagamat kinumpirma ni Kong. Imee sa amin na nagbreast-feed siya sa kanyang mga anak noong sila’y mga sanggol pa lamang (medyo nairita siya sa tanong na ito at halos magtaray na), ayon sa kanya, hindi maituturing na pangkaraniwang ina si Gng. Marcos dahil:

Unang-una ang laki kasi ng agwat nila ng aking ama, yung aking ama e malaki ang tanda sa nanay ko.  Twelve years yata o mahigit pa ang kanilang pagitan kung kaya parang yung nanay ko ay hindi talaga magulang kundi parang ate na lang namin.  Parang apat yung bata tapos yung tatay ko ang tunay na magulang, parang ganun.  Very dependent kami sa ama ko, pati yung nanay ko.  At nung namatay nga yung tatay ko, e talagang yung pamilya ko ay parang naligaw at hirap na hirap kami dahil siya nga lang yung tanging magulang, halos.

 

Nabanggit ni Kong. Imee na tinanggap nilang magkakapatid na hindi prayoridad ni Gng. Marcos ang pagiging ina sa kanila kung hindi maging isang maybahay lamang kay Pang. Marcos:

Maliwanag yun e, at tanggap naming mga bata na yung prioridad ng nanay ko ay maging asawa, hindi yung maging ina.  E maliwanag yun dahil sabi nga niya, sa buhay naman, una siyang naging asawa at sa katapusan at sa dulo ng kanilang buhay, sila na ring dalawa ang matitira at sila na rin ang maiiwang magkasama.  At yung mga bata ay lalaki at tatahak ng sariling landas, ng sariling buhay.  Kaya ang pangunahing gawain niya sa buhay ay yung maging asawa, hindi yung maging ina.  Ah, minsan nabibigla yung iba.  Medyo kontrobersyal yung tanawin ng nanay ko, sa pagiging ina pero sa akin, uhm, palagay ko tama lang sa nangyari dun sa buhay niya, ganun talaga.

 

Mismong si Gng. Marcos na rin ang nagsabi nang siya ay maging Unang Ginang, kanyang napagtanto na wala na siyang nakikitang pagkakaiba sa kanyang pagiging ina sa kanyang mga anak at sa bayan:

 

When you became president or leader of a country or mother you no longer have priorities, everybody is a priority.  Everything is a priority, everybody is a priority, even your enemies are a priority, because they are your children and your people…just like maghahanda ka ng pagkain, lahat ng masasarap na sangkap ng lutuin nalimutan mo ang asin, sira!  So you see, in the end, everybody is a priority and everything is a priority.  So, and yun ang nanay, pagka nanay ka, tatay ka ng pamilya mo meron ka bang priority? Meron ka bang priority na anak? Lahat sila priority, lalo na nagiging priority lang kung sino’ng nangangailangan, para mabuo.  But everybody is a priority and everything is a priority.

 

Ang pagiging Ina ng Bayan, ang papel na kanya pa ring inaangkin hanggang ngayon kahit hindi na siya Unang Ginang.  Ayon sa kanya, “The same spirit, even more now. Because maski anong sabihin mo, anak ko ang bayan ko, e. Yung Pilipino, anak kong lahat iyan e. Once a mother, naging nanay ka niyan e. Di naman maaalis iyan e. Maski tanggalin ka d’yan…”

Hindi naman talaga una sa kanya ang pagiging Ina ng Bayan, bagkus resulta lamang ito ng kanyang pagiging maybahay ni Pang. Marcos.

 

Imelda:  Pagbabalik Tanaw Sa Kanyang Kabataan

 

Mahalagang malaman ang pinagdaanan ni Gng. Marcos sa kanyang kabataan upang lubos nating maunawaan ang kanyang pagiging ina sa mga anak, lalung-lalo na sa kanyang panganay na si Imee.

Nang aming itanong kay Gng. Marcos kung paano siyang magbalik-tanaw sa kanyang pinagmulan nasabi niyang hindi lamang siya bumabalik sa kanyang pinagmulang salinlahi (ang mga Romualdez, ayon sa kanya, ay may family tree ay nanggaling pa sa Espanya, Tsina, Georgia, at Rusya) bagkus bumabalik din siya sa pinagmulan ng lahing Pilipino - ang cultural genesis – na sina Malakas at Maganda. Ayaw niyang tanggapin ang nakagawiang paniniwala ng nakararami na ang sangkatauhan ay galing kina Adan at Eba. Na si Eba ay nagmula sa tadyang ni Adan na siya namang mahinang lalaki na nagpatihulog sa kahinaan ng una. Hindi rin niya matanggap na si Eba ang pinagmulan ng kababaihan dahil eve ang salitang-ugat ng “evil” o kasamaan. Hindi rin niya matanggap na ang unang dalawang tao sa mundo ay marurupok at mahihina at bilang parusa ay sila sa Paraiso. Ayon sa kanya ang ating mga ninuno ay lumabas sa pagkakahati ng isang kawayan at ang mga katangian nina Malakas at Maganda ay taglay nila ni Pangulong Marcos:

 

Then, Maganda in history (nagbulong sa sarili) When I was asked who is your idol in World History?  Was it Cleopatra, was it Shiva, was it Eva Perón.  Neither!  Not one of them, why? Because they used beauty for conquest, beauty for seduction, and beauty even for prostitution, and so when I thought, when I was being interviewed and of all interviews the Playboy magazine, “who’s your idol Mrs. Marcos?” I said the Blessed Virgin Mary and of course they ridiculed me and laughed at me.  But it was true because I could not find somebody known in history and in the world as somebody…How did they use beauty?  Beauty is for giving, beauty is for nurturing, caring, for love, beauty is not for me, so ah, I start with your answer I go back to our beautiful cultural genesis of Maganda and Malakas plus the fact that you know when I was first lady for more than 20 years, these people are very demanding.  The Filipino people are very demanding,  I would make a housing project. The housing project is good, they’re not content with a “mahusay ba ang project ni Ma’am?”  Then it was done right, nobody said, “Tama ba ang gawa ni Ma’am?, malaki ba? Mahal ba?”  Nobody would ask them.  Isa lang ang tanong ng mga Pilipino, “Maganda ba ang trabaho, yung project ni Ma’am?”  Isa lang, maganda. I was dema.. Filipino people are most demanding, nothing but maganda. 

 

Sa panayam dinala niya ang kwento sa iba’t ibang punto, marahil, hindi niya masabi sa amin na ang ama ng kanyang inang si Gng. Remedios Trinidad ay isang prayleng Pransiskano na nagngangalang Francisco Lopez na nagmula pa sa Granada, Espanya.[4]  Ang kanyang kaawa-awang ina, bilang pangalawang asawa ni Vicente Orestes Romualdez, ay nagdusa ng katakut-takot na sakit ng damdamin sa mga anak ng kabiyak ng unang asawa.  At sa mga huling oras ng kanyang buhay, ang ina ng magiging pinakamaimpluwensyang Unang Ginang sa kasaysayan ng Pilipinas ay naninirahan lamang sa isang garahe.[5]  Ito ang mga impormasyong inilahad ng mga malalapit na kamag-anak at kasambahay ng pamilya Romualdez kay Carmen Navarro-Pedrosa sa The Untold Story of Imelda Marcos  na pilit na itinago ng mga image-makers ni Gng. Marcos noong ito ay naging Unang Ginang noong 1965. [6]

Nang itanong  namin kay Gng. Marcos kung paano niya inaalala ang kanyang mga magulang at ang kanyang kabataan, sinabi niya na siya ay napakapalad dahil siya ay nanirahan sa isang masayang tahanan na punung-puno ng pagmamahalan.  Ang kanyang ama raw ay gwapo, matalinong manananggol, at manunulat  ng musika.  Ang kanyang ina raw ay isang perpektong maybahay na masarap magluto at maganda mag-ayos ng bahay. Naging iskolar din ito ng Unibersidad ng Pilipinas sa Kolehiyo ng Musika, dahilan upang matuto ang mga anak na magpatugtog ng piyano.  Ang mga katagiang ito ng kanyang mga magulang ang nagpatalas ng kanyang pandama —malinis na pang-amoy, magandang pandinig, at masarap kumain. Naaalala pa niya noong kanyang kabataan na ginagawan daw siya ng kanyang ina, na isa ring mananahi, ng mga maliit na damit na gawa sa seda. Ang pagmamahal ng kanyang magulang ang nagbigay sa kanya ng kumpyansa o tiwala sa sarili. Naalala rin niya kung paano siya binibihisan tulad ni Shirley Temple at pakakantahin sa gitna ng sala kapag sila ay may bisita.

 

            Ayon kay Pedrosa, ibinuhos daw ni Gng. Remedios ang kanyang pagmamahal at pagkagiliw sa kanyang anak na si Imelda. Ginawa niya itong parang manika na dinadamitan ng kasuotang yari sa laso. 

 

Hindi ikinuwento, o marahil, hindi niya alam, ang tungkol sa masalimuot na relasyon ng kanyang mga magulang sa mga huling taon ng kanilang pagsasama.  Bagama’t naghiwalay na mag-asawa at inilipat ang mga anak sa isang garahe, patuloy na ipinamalas ni Gng. Remedios ang kanyang tapang sa pamamagitan ng pagiging masayahin sa harap ng mga anak at ibang mga tao. Ang kanyang mga pighati sa buhay ay hindi naitago hanggang sa siya ay sumakabilang buhay noong ika-7 ng Disyembre, 1938 sa sakit na pulmonya.[7] 

Pinipilit bang kinalimutan ni Gng. Marcos ang sinapit ng kanyang ina, o naging epekto lamang ito ng pagkukubli ni Gng. Remedios sa kanyang mga hirap na nadarama sa pamamagitan ng pagbubuhos ng lubos na pagmamahal kay Imelda?

Even death does not diminish a mother’s love” (Maging sa kamatayan ay hindi mawawala ang pag-ibig ng isang ina).  Ayon kay Gng. Marcos, hanggang ngayon, higit kailanman, nadarama pa rin niya ang pagmamahal ng kanyang ina na lalong nagpapatatag sa kanya sa lahat ng mga unos na dumarating sa kanyang buhay.

Ayon sa kanya nang siya ay walong taong gulang, namatay ang kanyang ina, siya at ang kanyang mga kapatid ay dinala ng kanilang ama sa Leyte.  Inihalintulad niya sa isang “paraiso” ang naging buhay niya sa Leyte—ang dalampasigan, ang karagatan, ang kalikasan, ang mga puno.  Ang lahat daw ng karanasan niyang ito noong kanyang kabataan ay nakadagdag sa kanyang kumpyansa at katatagan sa sarili.

 

Bagama’t paraiso, hindi fairy-tale ang naging buhay ng pamilya ni Gng. Marcos sa Leyte.  Marami sa mga akda at pinatunayan mismo ng kanyang anak na si Imee na maraming pagkakataon na naging salat sa buhay ang kanyang pamilya.  Ayon kay Kong. Imee:

 

E yung nanay ko, tuwing daw magkakaroon ng final exams e alam nila sa Tacloban yun.  Dati mayayaman sila, marami silang lupa, mga mestiso, matatangkad.  Sossy ang dating pero wala naman palang pera.  So pag pinag-uusapan na yung final exams, yung nanay ko pinagpapawisan na yan at saka tumutugtog ang puso dahil sabi niya parati raw wala silang pangtustos.  Maniningil muna bago mag-exams noong unang panahon.  E tuwing may final exams, hindi raw siya ninenerbyos sa test, nanenerbyos raw siya dahil hindi siya makapagbayad.  E ganun, at saka yung tatay niya, pag minsan may pera, kung minsan wala.  Pag walang pera tutugtog ng piano para makalimutan yung gutom.  Beethoven ang kinakain.

 

Pinasubalian ng kanyang pinsang si Loreto Romualdez-Ramos, anak ni Mahistrado Norberto Romualdez, ang claim ni Gng. Marcos na ang kanyang pagtira sa Leyte ay lalong nagpatatg sa kanyang kumpyansa sa sarili. Ayon kay Loreto, ang kanyang pinsan ay nagkaroon ng inferiority complex dahil ang kanyang pamilya ang pinakamahirap sa angkan ng mga Romualdez.[8]

Ang kasalatan sa kanyang kabataan kahit na siya ay kabilang sa makapangyarihang angkan ng mga Romualdez ay hindi nabanggit kahit pahapyaw lamang sa pinakaunang opisyal na talambuhay ni Gng. Marcos (na mababasa sa programa ng inagurasyon ni Pang. Marcos noong Ika-30 ng Disyembre 1965).[9]

Sa Leyte, ang mga anak ni Gng. Remedios ay napunta sa pangangalaga at kalinga ng kanilang mga kapatid sa unang asawa ng kanilang ama, sa pangunguna ng panganay na si Lourdes.  Pinatunayan ito ni Kong. Imee sa aming panayam sa kanya:

 

Isa pa yung nanay ko hindi rin pangkaraniwan dahil naging ulila siya….  So yung pamilya niya may mga step-children na nauna sa kanila, pagkatapos sila yung second batch.  Yung mga older na step-children, ang siyang naging nanay niya.  So dahil dito, siguro hindi masyadong tradisyunal yung pagtingin ng nanay ko sa pagiging, ng sa...uhm, papel ng pagiging ina.

 

Ayon kay Pedrosa, matagal na ibinaon sa limot ang pangalang Remedios Trinidad Romualdez, at ang mga larawan nito ay makikita lamang sa mga sisidlan ng mga larawan ng ibang tao. Marahil ipinagkait sa kanya ng kanyang mga kapatid sa ama ang alaala ng kanyang ina.  Muli lamang makikilala ang kanyang ina, nang naging Unang Ginang na si Gng. Marcos.[10]

Tanging magagandang bagay lamang ang nasasabi niya tungkol sa lahat ng kanyang mga kapatid.  Nang tanungin kung mayroon ba sa kanyang pamilya ang naging sagka o pumigil sa kanyang pagnanais na mapaunlad ang kanyang sarili, ito ang kanyang tugon:

 

On the contrary, lahat ng pamilya nagtutulungan at nagmamahalan para mapaunlad kaming lahat and salamat naman sapagkat ganyan ang attitude and values ng pamilya namin nagmamahalan.  Yung eleven children of my father, six girls and five boys were all professionals and all successful.

 

 So you see, this eleven ito, 100% kasi nagtutulungan, nagmamahalan, nabuo ang lahat, nakatapos lahat, and they were all plus to everybody.

 

Nang maging Unang Ginang si Gng. Marcos, ang kanyang bahay na kinalakhan saSan Miguel,  Maynila ay kanyang ipinagiba at  binili ang kalapit na Mansyong Goldberg.  Ito ay pinaayusan niya  sa mga pangunahing arkitekto sa Pilipinas at pinuno ito ng mga antigong kasangkapan.  Doon niya dinadala ang mga dayuhang panauhin at sinasabi na iyon ang kanyang bahay na kinalakhan.

 

Masasabing malaking palaisipan pa rin sa marami kung bakit ikinukubli ni Gng. Marcos ang kanyang nakaraan at ang masalimuot na pangyayaring sinapit ng kanyang ina.  Hindi naman magiging kasiraan kung sasabihin niya na siya ay nagmula sa hirap.  Sa katunayan, ginamit ito ni Eva Perón upang makuha ang loob ng mga masa sa Argentina noong Dekada 40.[11]  Nais kaya niyang makilala  ng mga tao  at ng buong mundo bilang isang aristokrata?  O dahil gusto niyang makalimutan ang mga hindi magaganda at mapapait niyang ala-ala.

 

Sa isang autograph book ng isang kaibigang nagngangalang Polly, na isinulat ni Imelda noong Ika-8 ng Pebrero, 1946, “Keep that smile on your lips, but always heep that tears (sic) in your heart.” At saka iginuhit ang isang nakangiting babae na may pusong lumuluha.[12]

Imelda:  Mga Pananaw Sa Pagiging Babae at Inang Pilipina

 

Bagama’t napakapait ng mga karanasan ni Gng. Marcos sa panahon ng kanyang kabataan, ang kanyang mga pananaw sa pagiging isang babae at inang Pilipina ay katangi-tangi.  Makikitaan ng optimismo at ideyalismo.  Tulad ng nabanggit sa pangalawang bahagi ng papel na ito, hindi niya matukoy kung ito ay pagiging ina sa kanyang mga anak o  sa bayan.  Tila ito ay kanyang napagsasama.

Sa maraming mga talumpati ni Gng. Marcos noong siya’y Unang Ginang, makikita ang ilan sa kanyang mga pananaw tungkol sa pagiging babae at ina.  Tinipon ni Julio Silverio ang ilang bahagi ng mga talumpating ito sa aklat na Golden Quotations Of Our First Lady. [13]

 

Sa aklat na ito, makikita na para kay Gng. Marcos, ang kababaihan ay hindi mga kalaban ng mga kalalakihan, kung hindi sila ay pantay at magkatuwang.  Sila ay hindi napapailalim sa mga kalalakihan, sapagkat ang babae ay may sariling papel na dapat gampanan.  Ibang papel ngunit kasinghalaga ng sa mga kalalakihan.

 

Ang babaeng Pilipina naman daw ay isang ligaya sa mata, aliw tunay na kasama sa kanyang kabiyak.  Sila ang nagdadala ng bagong buhay, at ang tagapag-ingat ng susunod na salinlahi.  Para sa babaeng Pilipina, ang pagbubuo ng isang tahanan ay hindi isang pangit na bagay na kailangang pagtiisan at  ang pagpapalaki sa mga bata ay isang gawaing dapat ipagpakasakit.  Tahanan rin niya ang labas ng kanyang bahay, sa publiko, sa pamahalaan, sa kalakalan, sa panlipunang gawain, at sa mga naghahanapbuhay sa kabukitan.  Ang malayang kababaihan raw ay nangangahulugan ng isang malayang lipunan.

 

Ang bagong Pilipina naman ayon kay Gng. Marcos ay kumakatawan sa pamumulaklak ng mga kulturang nag-uugat at tumutubo sa matabang lupa ng ating bansa:  Siya ay anak ng mga sinaunang mga Pilipina na katuwang sa hanapbuhay ng mga Pilipino—aktibo, masipag, at arogante, tulad din ng mga kababaihan sa Malolos.  Siya rin ay anak ni Maria Clara—pino, intelektwal at matiisin sa sarili.  Hindi niya iniiwan ang kanyang sinaunang pamana, subalit siya rin ay kababaihan ng kanyang panahon, na handang harapin ang mga hamon ng panahon.

 

Ang dahilan daw ng pagsisilang at pagpapalaki sa mga bata ay para mahalin ang mga ito at hindi dahil sa anumang pangkabuhayan o makasariling dahilan.   Dahil mahal natin ang ating mga anak, ang tanging nais natin ay ang makakabuti sa kanila.  Ngunit marami sa kanila ang lalayo sa ating pagmamahal at malilihis sa ating pagtingin, at susuway sa mga pangaral natin.

 

Sa aming panayam sa dating Unang Ginang, sinabi niya na ang pagiging ina ay hindi pang-araw-araw o pang-oras-oras na papel, kundi pambawat sandali.  Bahagi raw ito ng kanyang pilosopiya sa buhay, na sa huli, ang tanging mga bagay na maiiwan sa inyo ay iyong mga pinamahagi mo, tulad ng pagmamahal.

 

Para sa kanya, ang lahat sa pagiging ina ay perpekto o tama.  Ayon nga sa isang kasabihan sa Ingles, “Under heaven no parent is ever wrong,” sapagkat ang ina raw ay isang huwaran na nagtuturo ng daan, at hinuhugot lamang nila ang kung ano ang natural sa kanila, at yun ay ang pag-ibig at kagandahan.  Ito ay walang sawang pagbibigay ng kung ano ang mabuti, ang totoo, at ang maganda (the true, the good, and the beautiful).  Ibibigay ang lahat maging sa mga kalaban mo, “Ipakita mo…pangit ka. Ako maganda ako. Lalo kang magpapaganda…papangit sa ‘yo lalo na.”

 

Kung ilalabas lang ang ating kultura—mga kaugalian at nakasanayan, susundin ito ng iyong mga anak.  Makukuha nila ang mga magagandang ugali tulad ng paggalang.  Ayon sa kanya: “Many times yung mga bata sigaw ng sigaw, mataray ang nanay at tatay.  Hindi ko lang sasabihin kung sino matataray…”

 

Ang pagiging ina ang kailangan ng mundo ngayon, sapagkat ang pagiging ina raw ay hindi para sa mga babae lamang.  Ang paniniwala niya ay tulad daw ng sa mga Upanishad sa pananampalatayang Hindu, na ang kababaihan ang mga likas na mga ina, subalit kung ang lalaki ay magkaroon ng kaluluwa, siya rin ay nagiging isang ina.  Kung titingnan daw, ang salin sa Latin ng ina ay anima, o kaluluwa, kaya naman sa oras na magkaroon ng puso at kaluluwa ang isang tao, mapababae man o lalaki, nagiging ina.  Tulad ni Ferdinand Marcos:

 

That is why I always say, in the end, the greatest moment of Ferdinand Marcos was not when he topped the bar with unprecedented record, was not when he got the most number of medals in World War II, was not when he was the only re-elected president in this republic.  The greatest moment of Marcos was EDSA I, when he was no longer just President, and father, no longer bar-topnotcher and war hero, he was now a mother, he could not destroy or hurt his own people and children, he was now a mother, nanay na.  Siya ang naghirap, hindi siya ang nagpahirap. That is the meaning of mother, as far as we Filipinos are concerned.

 

Makikita sa teoryang ito ang pangingibabaw sa kahalagahan ng pagiging ina at babae. Para sa anak niyang si Kong. Imee, bagama’t may pagkakonserbatibo ang kanyang ina, masyado itong masipag at naniniwala na may sariling pagkatao ang mga kababaihan.  Ayon sa kanya ang dating Unang Ginang ay:

 

…sobrang feminista sa larangan ng trabaho, at sa kaalaman at kakayahan ng kababaihan, Talagang ipaglalaban niya yun.  …pag tinanong mo sa nanay ko ano talaga yung pagtingin niya, halimbawa sa pulitika, sasabihin niya talaga na yung babae mas magaling sa lalaki.  Sasabihin talaga niya yun, di ba? 

 

Sa pagpapatuloy niya, tila may reserbasyon ang kanyang ina:

 

Pero pag sinabi mo, “Are you a feminist?” magagalit ‘yon!  Sasabihin niya, “Hinding-hindi, ayoko ng mga babaeng nagsisigawan sa kalye!” … “No, no, no I’m not!”  Ang labo nga e nakakatawa!  Pero sa gawa, talagang gagawin niya. Siya nga ang pinakamatapang.  Siyang pumupunta sa Libya, kay Kadaffi, na takot na takot yung mga kalalakihan, pati yung mga sundalo nagsiuwian di ba?  Hindi na makatiis dun dahil natatakot nga at kinakabahan, yung mga pangunahing mga hijacker, terorista, lahat nanggaling dyan sa Libya, pero siya sige, walang takot na pumunta.  Ganun din sa China, sa Russia, sa Cuba.  Siya parati ang nauuna sa mga lugar na Komunista e yung mga panahon na ‘yon, di pa natin alam kung ano yung Komunista, parang nakakatakot, parang kumakain ng tao.  E talagang takot na takot yung iba na pumunta baka hindi na raw makabalik.  Pero, siya buong ningning, buong tapang na pumupunta.

 

Itinuturing ni Kong. Imee ang kanyang sarili bilang isang feminista na naabutan ng First Feminist Wave habang nag-aaral sa Estados Unidos.  Bagama’t ayaw ng ina, nais pa rin niyang isipin na ang kanyang ina ang nagtaguyod sa mga interes ng  kababaihan sa bansa, “Pero yung buhay niya, makikita mo na marami siyang ginawa na hindi pa ginagawa ng mga babaeng nauna sa kanya.”

 

Imelda:  Pagdadalang-tao at Pagsisilang kay Imee

 

Nang tanungin namin kung ano ang kanyang naramdaman nang malaman ang balita na siya’y nagdadalang-tao s kanyang panganay, ito ang kanyang tugon: “Ay, tuwang tuwa of course, the President was very excited, he was very, very happy.”

 

Ilang buwan matapos ang kanyang pagpapakasal kay Pangulong Marcos, nag-alala si Imelda dahil hindi pa rin siya nagdadalang-tao.  Dumating sa puntong sinabi niya sa kanyang kabiyak na nais niyang magpatingin sa doktor upang siya ay makapagdalang-tao  na.[14]  Ang pagdadalang-tao ay matagal niyang inaasam-asam.

 

Nang siya’y tanungin na kung siya ba ay naglihi, ang kanyang tugon ay: “Naglilihi? Siyempre matakaw ka lang, no! Medyo…ayaw mo sa bawang”  Ayon sa kanya, pinagbawalan siya ni na kumain ng mga matatabang pagkain, lalo na ang mga pagkaing Espanyol, lason daw ang mga ito ayon sa kanyang asawa.  Kaya ang pinakakain sa kanya ay mga karot at mga gulay.  Hindi lamang ito nakakataba, nakabubuti rin daw ito sa dinadalang sanggol.

 

Sa panahon ng kanyang pagdadalang-tao, malala na ang karamdaman sa baga ng kanyang ama.  Ayon sa mga talambuhay ni Imelda, binuno ng kanyang ama ang kanyang mga huling araw sa tahanan ng mga Marcos sa San Juan.[15]  Ayon kay Gng. Marcos,  ayaw ng dating Pangulo na manatili sa ospital ang kanyang ama dahil makakasama diumano sa bata kung siya ay dadalaw.  Ayaw din niya  na makakita ng mga maysakit si Imelda dahil magkakaroon ito ng sikolohikong epekto sa bata.  Nais ng kanyang kabiyak na ang makita lamang niya sa paligid ay may mga   kasiyahan, kagandahan at pag-ibig. 

Isinilang si Maria Imelda Romualdez Marcos, na lalong kilala sa palyaw na “Imee” noong Nobyembre 1955. 

Tumulong sa pag-aalaga kay Imee noong sanggol pa lamang ito ay ang panganay na kapatid sa ama ni Imelda, si Lourdes.  Iniwan ni Lourdes ang kanyang asawa sa Estados Unidos at bumalik upang alagaan ang ama, na namatay noong Ika-30 ng Setyembre, 1955.  Kasama rin nila sa pag-aalaga sa sanggol na si Imee ang pinakabunsong kapatid na Imelda na si Conchita.[16]

Sa pagsilang ni Imee, isang brilyante ang binigay ni Pang. Marcos sa kanyang maybahay at sinabing, “Sa bawat babae, isang brilyante, sa bawat isang lalaki, dalawang brilyante.”[17]

 

Nakuha rin ni Marcos ang kanyang minimithi.  Tatlong taon ang lumipas, isinilang ang kanilang pangalawang anak, si Ferdinand Jr. o Bongbong; at noong 1960, ang kanilang bunso, si Irene.

 

Isinalaysay ni Imelda na isa si Pang.Marcos sa mga lalaking nagnanais na magkaroon ng dosenang mga anak.  Siya ay napahalakhak ng sabihing, “Mahina ako, I wasn’t good at it, I was able only to produce three.  I’m so sorry!

 

Nais daw ni Pang. Marcos ng isang malaking pamilya sapagkat ito ay nakakapagbigay ng matinding kasiyahan, na makitang ang mga anak na nanggaling sa iyo ay magiging mga magagaling at magaganda.

 

Sa paglaki ni Imee, makikilala siya ng kanyang ama bilang isang matalino at agresibong anak.  Sa ibang panayam, sinabi niya na ang kanyang mas malaking masculine side ay dahil sa kagustuhan ng kanyang ama na magkaroon ng isang anak na lalaki bilang panganay.  Subalit ng kalaunan nakuha niya rin ang husay sa pananamit at pagiging teatrikal ng kanyang ina. Sa pagbabalik tanaw sa kanyang buhay, mas madali raw niyang natamo ang mga panlalaking mga bagay tulad ng pag-aabogasya, paglalaro ng isports, at pagtatrabaho, kaysa sa mga pambabaeng mga bagay tulad ng pag-aasawa at pagkakaroon ng anak.  Ayon din sa kanya, nagkaroon daw ng pagkakataon na kinainisan niya ang pagiging  isang babae, bagama’t sa paglipas ng panahon, mas naging komportable na siya sa pagpapakita niya ng kanyang pagkababae.  Para sa kanya, "Being feminine is not being weak. I've lived with one of the strongest women on earth - my mom." (Ang pagiging babae ay hindi kahinaan.  Ako’y nabuhay kasama ang isa sa pinakamalakas na babae sa mundo—ang aking ina)[18]

 

Imee:  Laking Palasyo

 

Sampung taon matapos isilang ang panganay na si Imee, nahalal bilang pangulo ng Pilipinas ang kanyang ama na si Ferdinand E.  Marcos.  Sa pagpapasinaya ni Pang. Marcos sa una sa kanyang marami pang susunod na termino noong Ika-30 ng Disyembre 1965, inihambing ang Unang Pamilya sa mga Kennedys ng Estados Unidos - ang Camelot, ang napakabatang presidente, ang kanyang magandang maybahay, at mga maliliit na anak

 

Sa Malacañang lalaki ang mga batang Marcos, at tatawagin nila itong tahanan sa loob ng dalawampung taon pa.  Kung tutuusin, ang mga batang Marcos lamang ang tanging mga anak ng pangulo na tunay na lumaki sa palasyo. 

 

Hindi pangkaraniwan sa isang batang Pilipino ang lumaki sa isang palasyo.  Dedetalyehin ng maraming mga opisyal na lathalain ang pangkaraniwang araw ng pamilya.  Iisa lang naman ang sinasabi ng mga ito:  na kahit na abala sa maraming alalahanin sa pangngasiwa ng pamahalaan, sinisikap pa rin ng mag-asawang Marcos na maging magulang sa kanilang mga anak.[19]  Isang magandang halimbawa nito ay isang bahagi ng patulang talambuhay ni Pangulong Ferdinand Marcos na pumapaksa sa Unang Pamilya:

 

XLIV

 

Sa atin, si Meldy saka si Ferdinand,

“First Lady,” Pangulo nitong ating bayan,

Para kina Imee, Irene at Ferdinand,

Sila’y mapagmahal na magulang.

           

            Kahit anong dami ng dapat gampanan.

                        Na mga tungkulin sa tao’t sa bayan,

                        Di malilimutan kahit na saglit man,

                        Sila’y ama’t ina ng isang tahanan.

 

            Bilang isang Ama si Ferdie’y uliran,

                        Sa tatag ng diwa at ng kaisipan,

                        May tibay ng loob at paninindigan,

                        Haliging matibay sa isang tahana.

 

            Ang “kulang sa gandang” Imelda naman,

                        Sa mga supling niya anghel ang kabagay,

                        Inang mapagmahal, Inang mapagbihay,

                        Kung ikabubuti ng anak na mahal.

 

            Bilang ama’t ina, si Meldi’t Ferdinand,

                        Lagi nang may oras, panahon ay sapat,

                        Kahit na abala maghapo’t magdamag,

                        Di nagpapabaya kung tungkol sa anak.

 

            Kung nagkakataong sila’y kailangan,

                        Ni Imee, ni Irene o kaya’y Ferdinand,

                        Sa loob o labas ng paaralan man,

                        Laging may panahon ang mga magulang.

 

            Bagaman ang buhay nilang kinagisnan,

                        Ay maituturing na di karaniwan,

                        Mga supling naman ni Meldi’t Ferdinand,

                        Ay di masasabing lumaki sa layaw.

 

            At bilang magkabiyak, si Meldi’t Ferdinand,

Ay may pusong tapat na nagmamahalan,

Tulad nating lahat sila’y tao lamang,

May pusong marunong sumuyo’t magmahal.

 

            Sila’y katulad din ng ibang nilalang,

                        Kung puso’t pag-ibig ang pag-uusapan,

                        Kung manaka-naka’y nagkakatampuhan,

                        Iya’y bahagi lang ng pagmamahalan.

 

            Sa kabuuan nga ang Unang Mag-Anak,

                        Ay tunay na dangal nitong Pilipinas,

                        Ang Ama, ang Ina, pati mga anak,

                        Nakahanda silang maglingkod sa lahat.[20]

 

Nang aming tanungin kung paano nagkakaroon ng oras ang mag-asawang Ferdinand at Imelda kanilang mga anak, ito ang kanyang tugon:

 

All the time, dahil nung maliliit sila akay akay naming sila, maski saan pupunta.  Magre-raise ng flag kami, nandudun yung tatlo…Meron kaming state visitor, titingnan ko yung mga state visitor nandudun nakasama din sila, sina Lindbergh kasama, kung sino nandudun, kasama rin sila.  You see when Marcos became President,  Imee was 8 (mali ang kanyang Math), Bong bong was 6, and Irene was 4, so, dinadala silang lahat and then later on natututo sila, they have to be proper, they have to be correct, so early on, they have to, you know dress up, they have to sit in the magulo, okay sila, natututo eh, even protocol natututo yung mga bata because environment yun eh, tapos they knew that in the palace for instance, lahat ng magagaling na mga Pilipino nasa Cabinet ni Marcos, nung araw magagaling yung Cabinet ni Marcos as in, alam mo birds of the same feather flock together, andudun lahat, no, so ang…ang…ang, so titingnan nila yung “daddy why, why did you choose him?” “Daddy do you like him?”  Then he will tell you his features, because he was a bar topnotcher, a summa cum laude when he was a student, in the end gagaya yun eh, Imee graduated from the…from the law school, magna cum laude, Bong Bong, everytime he entered the Ivy League in Oxford, lahat ng papasukan niya kung 65 ang questions sa entrance test mga 62 kay Bong Bong ang correct, magaling sila, katapos, they tried to also, kasi yun ang environment eh, at tsaka yun ang dinadala ng tatay nila, kasi like that bakit sila dito pirmi sa palasyo kasi kailangan sila ng bayan, bakit sila ganito? Why? See?  You keep up the environment.

 

Ito ay kinatigan  naman ng kanyang anak:

 

Lagi kaming bitbit ng aking ama….  Parati kami bitbit e, kahit sa mga probi-probinsya.  Kaya nakaabot na ako sa mga kasulok-sulukan ng Mindanao at pati na rin sa Palawan, Ah, pero yung tatay ko ang talagang napakacommitted.  Sa kanya, ang ginawa niya ay halos wala na siyang sosyalan.  Dahil parati naming…parati kaming pinupuntahan.  Yung mommy ko ang tagasosyal…

 

Sa isang talumpati ni Gng. Marcos, kanyang sinabi na: “The house must be a home as well, and it takes time, and love, and patience, and faith and being there to make a home.” (Ang bahay ay nararapat ding maging isang tahanan, at ang kailangan dito ay panahon, at pag-ibig, at pasensya, at pananampalataya, at ang pagiging naroon upang lumikha ng isang tahanan.)[21]

Kaya nang tanungin namin  siya kung paano sila naglilibang bilang mag-anak, ito ang kanyang tugon:

All the time kasama namin….  Pirmi naman kami naglilibang eh.  Kung nandudun kami sa bahay, sa Malacañang, noong araw ang laki ng kama namin, kita mo yung kama naming, kung makita mo yung iba kama namin, kasi hindi kasya lamang sa dalawa, kasya sa lima…and my children could go anytime to the Presidential office, and anytime to the first lady’s receiving room, anytime at hindi ko ikinahihiya, ma hari man siya, ma pari man siya, ma sino man siya, na nandyan bisita naming, kung gusto dumating ng anak ko, di mabuti, maganda pa ngang tingnan eh, na meron anak ka na oo..

 

Nang humingi kami ng iba pang halimbawa, sinabi ni Gng. Marcos, “Basta they were part of our life.”

Ayon sa aklat na Marcos Of The Philippines, ang opisyal na talambuhay ni Pangulong Ferdinand Marcos, sa isang pangkaraniwang araw, si Gng. Marcis  ay gigising sabay ng kanyang asawa sa oras na ika-5 ng umaga.  At bago simulan ni Gng. Marcos ang kanyang araw,  siya ay magluluto ng almusal para sa pamilya mula ika-7 hanggang ika-8 ng umaga.  Sa gabi naman, hangga’t maaari, ang Unang Ginang ay maghahapunan kasama ang kanyang mga anak.[22]

Ayon sa kanyang anak, “Madalas, ang tatay ko ang mas nakikita namin kaysa sa nanay namin.”  Ikukwento niya kung ano ang tipikal na araw para sa kanyang ama noong sila ay lumalaki sa palasyo:

 

Tapos siya (Si Ferdinand Marcos) ang libangan na lang niya mag-exercise, mag-golf.  Pero pag gabi magtatrabaho na ‘yan.  Kasi yung oras ng tatay ko baligtad e.  Dahil oras ng gerilya ang sinundan niya hanggang namatay siya.  Nagtatrabaho siya ala-una hanggang alas-singko ng umaga.  Tapos, natutulog ng maaga, natutulog after two o’clock ng hapon, tapos magigising, tulog ulit.  Basta magulo araw nun.  Putol-putol ang tulog.  Tapos umaga nagtatrabaho.  So nakikita kami sa madaling sabi dahil pag nagsisesta siya ng hapon, at pag-uwi namin from school, nariyan siya.  Pero yung nanay ko nasa labas. Madalas, ang tatay ko ang mas nakikita naming kaysa sa nanay namin, ah, pero yung mommy ko naman, pag weekend, magkasabay na sila. 

 

Pansinin ang sinabi ni Kong. Imee, “Pero yung nanay ko nasa labas.”  Marahil, isa ito sa dahilan kung bakit lagi niyang  sinasabi na siya ay isang rebeldeng anak.  Mapapansin sa ilang pagkakataon sa panayam na kung kami ay magtatanong tungkol sa mga ginawa sa kaniya ng kanyang ina ay paghahambingin niya  ang ina sa ama o mapupunta ang usapan sa kanyang ama.  Sinasabi niyang mas malapit ang loob niya sa ama.  Sa ibang pagkakataon, ikinuwento rin niya: “Tuwing nagkakasakit ako, ang tanging yaya ko yung papa ko, dadalhin niya lahat ng papeles sa kwarto ko at dun maglalamay kasi kailangan akong bantayan e.”[23]

Sa aming panayam, naikwento rin niya  kung paano sila naglilibang :

 

Marami kaming isports na pinasukan dahil mahilig ‘yon.  Yung nanay ko di masyadong mahilig pero napipilitan siya.  Tatay ko gustong mag-adventure, pumapasok sa mga kweba, yung mga naghuhunting sa iba’t ibang lake, e mahilig yun ng mga ganon.  Yung mga adventure.  E yung nanay ko hindi niya masyadong type pero wala na siyang choice, andun na e.

 

Masasabing pribilehiyo sa mga batang Marcos ang magkaroon ng kakaibang klase ng buhay sa loob ng palasyo.  Masayang kwento ni Gng. Marcos tungkol sa  mga anak:

 

Tuwang-tuwa ako sa mga anak ko, kay Imee for instance….  Sabi niya, “O Imee when you become big what do you want to be.”  Sabi niya, “For the privilege that the people have privilege us, become members of the first family, and my father President and these children of the President,” sabi niya, “Pagdating ng araw…makakaya namin ang buhay namin iaalay namin sa Pilipino…maglingkod sa tao, in grateful appreciation for the privilege that we have had for 20 years.”

 

Sa ibang pagkakataon, sinabi naman ng anak na hindi siya komportable sa pagiging prinsesa dahil siya ay ipinanganak na rebelde.  Lagi niya raw nais takasan ang gintong hawla na kanyang kakaibang paglaki.  Maraming ipinagbawal sa kanila ang kanilang ama na hindi ipinagbabawal sa ibang mga kabataan ng kanyang panahon.  “normal ba ang hindi nagtsi-tsinelas at duster? Yung bahay (ang palasyo), office na rin yun….  It was simply not normal.”[24]

Sa isa pang panayam, tinanong si Kong.  Imee kung ano ang mga magaganda at di magagandang dulot ng kanyang pagtira sa palasyo, isinagot niyang habang lumalaki, wala siyang nakitang magandang dulot sapagkat ang tingin niya sa sarili ay pangkaraniwan lamang.  “It was just a pain,” aniya dahil mayroon silang mga bantay, nahiwalay sila sa ibang mga bata, at hindi sila madaling mabisita ng kanilang mga kaibigan dahil sa mahigpit na seguridad.  Bagama’t ang pinakamagandang bagay sa kanyang pagtira sa palasyo ay ang pakiramdam na siya ay nasa puso ng paggawa ng kasaysayan at siya ay bahagi ng mga mahahalagang pangyayari, na may magagawa sila upang mabago ang buhay ng mga tao.[25]

Sa panayam rin na iyon, siya ay tinanong kung paano siya nahubog ng pagiging bahagi ng Unang Pamilya, isinagot ni Kong. Imee na liban sa kanyang pagiging paranoid sa press at mga bantay, ay hindina niya alam.  Aniya, “You can take the girl out of Malacañang, but you can't take out Malacañang out of the girl,” (Maaari mong tanggalin ang babae sa Malacañang, ngunit hindi mo maaaring tanggalin ang Malacañang sa babae) at sasabihing na sa kanyang opisina ngayon sa kongreso ay mayroong mga chandeliers, kahit na ito ay pinagtatawanan ng mga kasamang konggresista.  Hindi niya masabi kung iyon ay impluwensya sa kanya ng palasyo mismo o ng pagpapalaki ng inang si Imelda (Imeldific upbringing).  At pupunahin na para sa isang babaeng lumaki sa isang maliit na bayan, ang kanyang ina ay malapalasyo ang taste, “I think it's great.”[26]

Sa isa pang panayam, siya ay itinanong kung paano niya paghahambingin ang paninirahan sa palasyo at ang buhay niya ngayon, sagot ni Kong. Imee na bagama’t hindi siya komportable sa paninirahan sa Malacañang dahil ito ay lubos na nakakakulong at masyadong pormal, hindi na nila kailangang magbayad ng mga bayarin. “That was a big thing.” (Malaking bagay iyon)  Ikinuwento niya na nang muli siyang pumasok sa palasyo sa panahon na ni Pang. Joseph Estrada, tila hindi na niya makilala ang kanilang kinalakhang bahay, marami sa kanilang mga silid ay ginawa ng mga tanggapan.  Hindi raw iyon ang pinakamagandang lugar upang magpalaki ng mga anak, “but it was quite nice.”[27]

Sa pagbabalik tanaw sa mga panahong tinatawag niyang tahanan ang palasyo, nilahad sa amin ni Kong. Imee na:

 

I think we were really sheltered, we’re very protected, syempre tatay ko talagang makapangyarihan.  I think we’re very very privileged but at the same time grabe rin nangyari sa ‘min after 86….  Pagkatapos e labis-labis kaming kinawawa pagkatapos ng 86, e kahit papaano buhay pa naman.  Kaya matibay!  Sabi nga ng mommy ko.

 

Kaya madalas sinasabi ng nanay ko sa iba, “Kabahan na kayo sa aking anak kasi dati mga spoiled ‘yan—Laking palasyo.  Ngayon, sumabak na sa lahat ng klaseng giyera kaya, uhm, maghanda kayo!  Yung ganun.  Ok nga, nakakatawa.  Tama rin e, kasi.  …sabi niya, “Kabahan kayo diyan, marunong ‘yan.”  Nakakatwa nga e.

 

 

            Ayon naman kay Gng. Marcos:

 

...kaya naman tumutulo talaga ang luha ko nung pagbalik namin at yung dalawa pumasok sa pulitika.  Kasi kung meron mang nagpahirap sa amin, pulitika, talagang we were deprived, we were impoverished, we were insulted, humiliated, ridiculed, name it we were persecuted, we were unjustly treated, we were put in exile without even a conviction or anything and yet my children still want to serve, you know when I stood up and was campaigning for them the first time, I say, “Mga mamamayan,” sabi ko, “Mga mahal kong kababayan, first of all, ako’y nagpapasalamat sa Diyos na kahit na katakot-takot na pahirap sa mga anak ko at sa pamilya namin ang pulitika ngunit ang mga anak ko nais pang gustong maglingkod at pumasok sa pulitika, because politics, the ultimate realm of politics is justice.  And we are so unjustly kuwan, I thank the Lord for it, but more than this, ako ngayo’y nangangampanya, at itong mga batang ito hindi lang mababait, kundi matatalino, nanggaling pa sa the best schools of the world, from the best schools of the world and then.  And they were good students and all of that.  First number one qualifications kaya ako nagkakampanya para sa kanila despite na pinahirapan kami ng pulitika gusto pa nilang maglingkod sa tao, tapos marurunong naman sila puwede naman sila ibang hanapbuhay and all of that, gusto nilang maglingkod sa tao.  Pero, alam ninyo, qualifications hindi lang sila marurunong at gustong maglingkod.  Binibigay ko sa inyong mga kandidato sapagkat itong mga batang ito have been so privilege to have the best, best, best, and the worst, worst, worst, alam na nila ang mga problema ng pinakaprivilege at alam rin nila ang problema [ng mga] pinahirapan, parang kinasuklaman, itong humiliated, ridiculed and persecuted, ngayon ang binibigay ko lang sa inyo hindi lang matatalino, gustong maglingkod, hindi lang mga batang coming from the best schools of the world.  What I am giving you na kandidato taong tao na, alam nila ang the privileged and yung kahirapan at alam nila ang problema ng pinakamahirap, pinakahumble, pinakahumiliated at alam din nila ang problema ng mga mayayaman ng mga presidente, mga etcetera, etcetera, so the whole ang binibigay ko sa inyong kandidato taong tao.”

 

 

Ngayong may mga anak na rin si Kong.  Imee, madalas niyang ikuwento sa kanila ang  paglaki niya  sa Malacañang.  Lagi raw sinasabi ng kanyang mga anak: “Hey, mom, you’re so weird, you’re so weird.”  Ayon sa kanya, “Weird nga kung tutuusin pero sa amin normal na yun e (matatawa)…Kasi parang yun na rin ang nagisnan mo di ba?  Di mo naman alam yung iba e.” 

Sa isa pang panayam, sinabi niyang, “My children think my childhood was strange. Obviously, not everyone had a zoo at home or a golf course in their backyard.” (Iniisip ng aking mga anak na ang aking kabataan ay kakaiba.  Syempre, hindi naman lahat ay may zoo o isang golf course sa kanilang bakuran)[28] “We were always horsing around. We also had a great deal of animals, dogs and horses.” (Lagi kaming nangangabayo.  At marami rin kaming mga hayup, mga aso at mga kabayo)[29]

 

 Pagdidisiplina Sa Anak, Imelda Style

 

Paano ba magdisiplina ng anak si Gng. Marcos?

 

Ayon kay Gng. Marcos,  “Ang una kong dinidisiplina ako I have to discipline myself first because you’re a role model.”

 

Nang mapansin namin na tila nalalayo na naman ang dating Unang Ginang, ipinaliwanag naming muli ang katanungan nang  kami ay magkaroon ng pagkakataon:

 

Puwede ho bang itanong namin sa inyo kung if ever na nasusuway kayo nung mga anak niyo na babae, what I mean may pinagbilin kayo sa kanila at hindi po nila nagawa o medyo sumusuway po sila sa aral na tinuturo niyo sa po kanila.  Mommy...ano hong ginagawa niyo sa kanila?  Merong sanctions po ba yan?

 

Ito ang kanyang tugon:

 

Eh kung minsan umaarte ako.  Ini-exaggerate ko na nasaktan ako.  Pero hindi ko na lang pinagagalitan sila mas…mas nagiging guilty kung alam nila na nasaktan ako, sinabi nila na “Mommy diyan ako kakain,” hindi dumating kasi maraming dumating o may boyfriend o somebody na mas magaling na kuwan, eh di ako kumain.  Kung tinawagan nila ako the next day, the next day pa ako kakain, alam nila, so they have to come.  If they say they would come at twelve, they have to come at twelve, later on, minsan lang mangyayari yan, ang…yung kuwan is in the end ikaw ang nasasaktan, eh natural yung ayaw din naman nilang saktan din naman ako…. Minsan lang mangyayari yun, believe me pagka anak niyo gawin, minsan lang mangyari.  Sabihin, “Mommy I’ll have lunch there, magluto ka,” hindi dumating.  Hindi ako kakain, hanggang hindi ako tawagan from then on dalawang beses lang mangyayari at the most, di naman mga tanga yung anak natin eh….  Maski pa tanga may sensitivity.  Mas magaling pa nga yung sensitive kaysa sa manhid eh.

 

Kinumpirma ito ng kanyang anak at sinabi na ang ina pa ang umiiyak kapag ito’y nasusuway, “Baligtad yun e.  saksakan ng bait nun.”

 

Ngunit hindi ganito ang kanyang ina  sa lahat ng panahon.  Dagdag pa niya:

 

Nagagalit din yung nanay ko, oo syempre, nagwawala rin yun at…yun.  Ako yung rebelde sa aming tatlo.  Yung dalawa kong kapatid mas mababait na anak….  Ako yung di masunurin.  Yung parusa, oo pinapalo ako ng nanay ko. 

 

Minsan napalo ako ng tatay ko pero nagpaumanhin naman, kasi dapat hindi raw papaluin yung babae, yung lalaki lang.  Yung kapatid ko na si Bong Bong, talagang nalatigo ng ilang beses ‘yan, talagang child abuse ang inabot nun.  E, hindi pa naman child abuse yun, dati disiplina pa lang ‘yun.  Talagang napapalo sila ng sunod-sunod.

 

Ang pananaw ni Gng. Marcos tungkol sa paninigaw at pamamalo bilang paraan ng pagdidisiplina ay:

 

Tapos sisigawan mo’ng anak mo, tapos ang lupit-lupit mo pa, sometimes you hurt, no, no, no, kaya nagkakamali mga bata, kulang pa eh, di buo pa.  Tapos kung ang karamihan nitong mga kriminal kung minsan kasi the way parents threat their children are like criminals, they shout at them, they beat them, they hurt them, sinisipa sila, they would humiliate them, NO WAY, PLEASE, LOVE!  (Tila mapapaluha siya habang nagkukwento)  Disciplining, ikaw magdisiplina ng sarili mo.  Kung gusto mo maging matuwid sila, maging maganda sila and all of that, ikaw, example ka…magpakabait kayo, hindi ka mabait, sinisigawan mo sila.  I don’t want that.  Pagka lumaki yan, maninigaw din yan, hindi lang sa mga anak nila, sa kapwa tao nila, if you hurt them, they will hurt others too, kung nagkakamali yan kasi kulang pa sa alam eh, kaya kailangan mong turuan.  …yung mga bata na yan, they’re very close to you, they’re there 24 hours a day if not more, nalalaman yung mga detalye, they’re intimate to you, huwag na huwag mong saktan, because ang nakikita ko kung minsan ako ang nanginginig sa kuwan kasi mga bata dumulas, kasi slippery, lumakad sa isang slippery, “Gago ka! Torpe ka!, ganun ka!”  Eh nadulas na ang tao eh, sino ba naman ang gusto magiging ganun masasaktan?  Sasaktan mo pa?  No!  Love, nanay ka, buuin mo!  Continue selfless, endless love, kasi they will be battered up eh, they will be battered anyway in the battlefield of the world.  Everybody, meron mang-aapi, meron maninipa, merong mananakit, ikaw, sasabay ka pa doon?  Nanay ka, tatay ka?  Huwag naman, at tsaka kung minsan mga ganyang mga bata, kasi di pa buo eh, parang kulang, kulang sa pansin, kulang sa pagmamahal, kulang sa pagbibigay, kulang sa yakap, kulang sa yakap sa sakit, huwag. 

 

 

Imelda:  Mga Payo Sa Nagdadalagang Anak

 

Nang tanungin namin si Kong. Imee kung paano ipinakita ng ina ang pagtulong at pagsuporta sa kanyang pagdadalaga, kung paano ipinaliwanag ang mga pagbabagong nararanasan ng isang babae, ang kanyang sagot ay:

 

Parang walang siya ini-explain kahit isa!  …I think nung mga panahon na yun hindi naman nagpapaliwanag yung ganyan, parang ikina…parang nakakahiya’t masyadong konserbatibo yung pamilya nun…  Di naman nagpapaliwanag ng mga ganun-ganun.  Ewan ko, I think our generation they don’t explain those things.

 

Taliwas ito sa sinabi ng kanyang ina:

…lumalaki na, siyempre, even their feeling, their body development lalo na ang mga babae is different and all of that, you will just have to tell them.  You know meron pag mga, example ng mag ingat lang sa ganito, kasi you cannot be too intimate with them because masisira kayo at saka ang babae ay parang isang glass yan, pagka may lamat or mabasag, wala na ano.  And then lalo na tayo, women, we value virtue and the reason for that because we are the carriers of life tapos, kaya naiinis ako talaga pagka nakikita ko royalty ka, tapos nagwawala ka, babae ka, may boyfriend ka, delikado kasi yung anak mo,  ang lalaki walang womb, ang babae merong womb na magdadala ng royal line, pero kung isangkot mo nang hindi royal, pareho ng mga nangyayari nakikita na tin sa ating peryodiko sa sa media natin ngayun, mga magaganda nga sila, mga royalty nga sila, pero…princess sila, pero pagkatapos, nagwawala, nakakatakot ho ‘yan kasi kawawa naman ang buong nasyon, kasi hindi royal ang lalabas sa mga womb nila na kaambit dyan….  Ganun din naman basta hindi royalty, e kawawa naman yung lalaki e si Mr. Smith ang asawa pagkatapos ang lumabas hindi Smith instead brown na pala lalo ngayon ang mga DNA nalalaman na kung kanino yan madedetect, madaling madetect merong magsasabi, hindi akin yan, akin yan, at parang napakawalang kwenta.  Pinakaworse kung sa apostoles ng God na chosen people yung Hudas, yung nagtraydor, yung parang napaka capital crime kasi wala namang maghuhudas na kalaban, ang naghuhudas yung minahal mo, kamag anak mo, kinupkop mo, inapostoles mo, eh si Jesus Christ dose lang ang apostoles eh, meron pang Hudas, eh.  Kaya imagine, mother ka, the natural giver of life, tapos sasabihan mo ng hindi tama, I don’t think that’s one of the first thing kasi parang you are the natural giver of the good, the true and the beautiful and what is God and love pagkatapos, gagawin mo, supposedly minahal mo tapos mo kinuha mo pang pangalan tapos yung pangalan pala eh di naman kanya yun, hindi maganda at tsaka its not fair to the guy, its not fair to the child, its not fair to everyone.

 

Nang itanong  namin kung pinaghigpitan ba niya ang kanyang mga anak, ito ang kanyang tugon:

 

Ang paghihigpit yung pinakikita namin ang ganda nito, ang ganda ng ugali nito, ang ganda ng paraan nito, ang ganda ng character nito.  Tapos ay hindi maganda itong nangyayari na ito, hindi maganda itong araw na ito, yung ang loveFrom a distant na lang yung pangit, pero huwag mong ilapit yung kapangitan kasi baka mahawa, at lalo na madaling mahawa kung galing sa nanay at sa tatay.

 

Huwag ilapit ang kapangitan, ganito  maghigpit si Gng. Marcos.  Kaya ayon sa kanyang anak, ito ang mga “kinaiinisan,” “kinamumuhian” at “kinaaasaran” niyang mga tanong ng ina sa tuwing mayroon siyang love interest, “Sinong kasama mo?”  “Anak nino ‘yan?” “Saan nagtatrabaho?” “Saan nakatira?”  “Kamag-anak ba yan ni ganito?”  “Kilala ba natin yung nanay niya?”

 

Hindi lang naman payo at pangaral ang ginawang suporta ni Gng. Marcos sa nagdadalagang anak.  Ayon sa ilang mga manunulat, nang siya ay nagtungo sa Estados Unidos noong Hulyo 1968 upang magpagamot, isinama rin niya ang anak na si Irene sa pamimili sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos, at sa loob ng walong linggo, ang dalawa ay gumastos ng tinatayang $ 3.3 Milyon, o kulang kulang $ 100,000 bawat araw sa pagshoshopping.[30]

 

 

Imee:  Edukasyon Sa Ibang Bansa, Pamana Ng Ina

 

Ayon sa aklat na Marcos of the Philippines, “Sa pagnanais na ang kanilang mga anak ay mamuhay ng mas normal na mga buhay malayo sa kinang ng Malacañang, tinuturuan sila nina Marcos at ng kanyang maybahay ng sariling-pagsusumikap at pagsasarili.”[31]

 

Gayon din naman ang sagot ni Gng. Marcos nang tanungin namin siya kung paano niya nasiguro na ang kanyang anak ay magkakaroon ng normal na paglaki at makihalubilo rin sa ibang mga kabataan:“Kaya namin pinadala sa abroad.”

 

Ayon sa anak, ang kanyang ina ang promotor ng kanilang pangingi-ibang bansa upang makapag-aral:

 

Yung nanay ko, nakakatuwa dahil…may complex na dahil sabi niya hindi siya nakapag-aral ng maigi.  Gustong-gusto niyang mag-shopping ng libro.  Kaya siya ang tagabili ng libro para sa amin at sa tatay ko.  Sabi ng iba, bakit daw yung nanay ko hindi naman daw siya yung palabasa.  E hindi nga siya palabasa pero parating gusto niya na “Mag-aral kayo, mag-aral kayo kasi ako di ako nag-aral.  Ako, Pepe and Pilar lang ang alam ko.  So sana kayo ay makapag-aral.”  Siya yung talagang tumutulak sa amin na mag-abroad.  A, magtravel abroad pati yung mga babae, kaming dalawa ni Irene.  Samantalang yung tatay ko ayaw kaming paalisin kasi wala raw kasama.  Gusto ng tatay ko na maraming bata sa bahay.  Yung nanay ko ayaw na mabulok daw kami dun.  Gusto niya malaman namin lahat kasi hindi raw siya nagkaroon ng pagkakataon na lumakbay at mag-aral sa abroad.  Yung tatay ko, gusto niyang mag-aral sa abroad yung kapatid na lalaki ko lang.  Kasi sabi niya yun daw ang pangarap niya nun.  Hindi siya nakapag-aral sa abroad.  Kasi meron nun, pagkatapos ng gera yung tinatawag ng G.I. Bill Of Rights.  Tinanggap siya sa Harvard e kaso di yata niya nakaya yung byahe, yung pantustos sa travel o kung ano.  E hindi pa rin nakayanan, samantalang yung mga barkada niya nakapag-aral sa abroad, so wala rin, di rin siya nakapunta sa Harvard.  Tuwang-tuwa siya nung nagsi-aral na kami ni Bong Bong sa ibang bansa.  Pero payag payag siya kay Bong Bong lang.  Ang mommy ko ang naglobby sa amin na pati yung mga babae.

 

Pinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Convent of the Holy Child Jesus sa Mayfield, Sussex, kung saan nahanay siya sa mga nangunguna sa klase.  Siya rin ay kumuha ng mga klase sa pag-arte sa Royal Academy of Music and Dramatic Arts sa Londres, at sa pag-arte at pagsulat ng dula sa London Academy of Music and Dramatic Arts.  Nagtapos siya ng sekundarya sa Sta. Catalina Convent sa Monterey, California kung saan nagtapos siya bilang Valedictorian.[32]

Sa Princeton University sa New Jersey, Estados Unidos siya sumunod na pumasok, kung saan siya nagtapos ng may karangalan sa dalawang magkahiwalay na kursong Pulitika at Relihiyon.  Patuloy ang pakikipagtalastasan niya sa pamilya, lalung-lalo na sa kanyang ina, sa mga taong inilagi niya roon.  Ayon sa kanya, siya ang madalas sumulat: “Ako ang matiyagang magsulat, at least once a week meron.”  Ang kanyang ina naman, ayon sa kanya,

 

Yung nanay ko madalang sumulat.  Tamad sumulat yun e.  At kapag sumulat yun minsan hinuhulaan namin kung ano ang sinulat niya.  Kasi hindi namin maintindihan.  Dahil yung ibang sulat niya may mga, mabilis kasing mag-isip yun kung papansinin ninyo ako, yung kapatid ko, pero higit sa lahat yung nanay ko, mabilis kaming magsalita.  Palagay ko sa nanay ko, kasing bilis siyang mag-isip sa kaniyang pananalita.  Kaya di makahabol yung panulat.  E ngayon, ang ibang mga salita, parang laktaw-laktaw.  So hindi naming alam kung anong sinulat niya.  Hinuhulaan pero tatawag na lang siya dahil alam nga niya di siya masyadong nagsusulat. 

 

Muli, ang kanyang pagsasalaysay ay napunta na naman tungkol sa kanyang ama:

 

Yung tatay ko matiyagang magsulat e, nanghihinayang nga ako, nung magkagulo nung 86, yung mga sulat namin sa isa’t isa ay nawala.  Ewan ko di ko alam kung ano nangyari.  Pero yung tatay ko talaga sinusulatan kami, ang tyaga nun, isa-isa….  Ang tatay ko ang liwa-liwanag ng sulat.  Ang bawat susulatin niya parang pwede mo nang…ilibro e.  Pwede nang for publication e—Ang liwa-liwanag.  Pati yung handwriting, at ang dalas-dalas niyang sumulat.  At lahat ng topic nandun kaya nanghihinayang nga ako, isa nga dun sa napakasayang e kasi kumpleto dun, mula sa posisyon sa komunista, yung pagbubuo ng partido niya, lahat lahat ng topic nandun, yung pagtingin niya sa Estados Unidos, lahat me…me, at saka yung ano ang dapat gawin ng isang bata, ano ang problema ng teenager, lahat nandun.  Sayang nga e.

 

Masasabi nating talagang pamana ni Gng. Marcos sa kanyang anak ang  edukasyon sa ibang bansa, at marami itong naidulot na kabutihan sa kanya at mayroon ding kasamaan:“Minsan kapansanan din itong nangyari sa amin dahil pina-aral nga kami sa abroad.  Hindi 100 % Filpino ang…ang kalooban namin.”

Tila nagbunga naman ang pagsisikap ng ina na magkaroon ng magandang edukasyon ang anak.  Sa dami ng pinasukang mga paaralan ni Kong. Imee, masasabing mahilig talaga siyang mag-aral.  Pag-uwi niya mula sa Princeton, siya nag-aral naman sa Unibersidad ng Pilipinas at nagtamo ng Bachelor of Laws Cum Laude (sa UP , kumuha rin siya ng mga  pang-gradwadong pag-aaral sa Antropolohiya, Sosyolohiya, Literatura, Sining, Kasaysayan, at Teatro).  Pumasok rin siya sa Asian Institute of Management para sa isang isang-taong kursong masterado sa management and business administration.  Habang nakatapon sa Morocco noong mga Dekada 80, siya’y pumasok sa Royal University ng Rabat kung saan siya nag-aral ng Pranses at Arabe.  Noong Dekada 90, sa National University sa Singapore naman (sa College of Extramural Studies, kurso sa pagsulat ng dulang pampelikula at mga babasahing pambata, pagpipinta, sining at interior design).  Siya ay maalam sa mga wikang Español, Pranses, Arabe, Kastila, Portuges, Italiano, at ilang Mandarin at Hapones, pati na rin ng Ingles, Filipino, Waray at ilang Ilocano. [33]

Ngunit ayon naman sa kanya  sa isa pang panayam, hindi raw maintindihan ng kanyang ina ang kanyang pagkahilig sa mga pang-akademikong mga bagay o "brainiac activities" at hindi gusto ng ina ang pagsasawalang-bahala ng anak sa mga “feminine graces.” [34] Ngunit makikitang siya rin naman ang puno’t dulo ng pagkahilig ng kanyang anak sa pag-aaral, bukod pa sa pinagmanahan niyang ama.

 

 

 

Imee:  Pagrerebelde At Paglikha Ng Sariling Pangalan

 

Nang tanungin namin ang anak kung , “Ano po ang pinakamemorable po na ginawa ninyo para sa inyong ina?”  Nagkaroon ng matagal na katahimikan, saka sinabi ni Imee na, “Halatang-halatang salbaheng anak ano?  Walang matinong-matino, puro karebeldehan e.”

Nang tanungin namin  siya kung paano nila nilulutas ng kanyang ina ang mga bagay na hindi nila pinagkakasunduan, ito ang kanyang tugon: “Parati kong kaaway nanay ko e.  Ang tatay ko ang, ang takbuhan ko e…”

At nang tanungin namin  kung paano magalit sa kanya ang kanyang ina, kanyang sinabi na: “A, nagwawala yun!  E nagwawala rin ako edi talagang, wala na!”

Sinasabi ni Imee na mas mababait na anak ang kanyang dalawang kapatid at  siya ang pinakarebelde sa kanilang tatlo.

Sinabi niya sa isang panayam sa isang magasin  na sa kanilang tatlong magkakapatid, siya ang pinakamasalita, kontrapelo sa maraming bagay, at sa kanyang palagay, nagdaan siya sa pangkaraniwang teenage trauma sa mga ina.[35]

 

Sa panayam namin kay Gng. Marcos, nabanggit niya:

 

And then minsan mga anak mo, in campus, especially girls, they will be in the awkward stage, di kagandahan yun eh, eh nagrerebel lalo na ikaw nanay ka, gumaganda ka and all of that, dapat tapos sasabihin pa ng mga tao, “Why are you not as beautiful as your mother?” Magagalit tuloy mga bata, sasabihin, “Never mind my face, its better than your face!”  Nagagalit sila, but later on they soften up, and I don’t tell them you be as beautiful as me, you be beautiful just like this, but before you know it, paglaki ba!  Sinusunod nila yung pagbihis mo, pagpaganda mo, gumaganda naman later on anak mo, kala nila initially…then cute pala,

 

Sa pagpapatuloy ng kanyang kwento, lumilinaw kung sino ang kanyang tinutukoy:

 

…Tuwang tuwa nga ako kung minsan sa Greenhills, nakikita nila si Imee, “Ay ma’am!” Sabi nila, sabi nila, “Kasing ganda na kayo ni Imee,” itong nakakatuwa no?  So you see, eventually they will follow you eh, they will, the discipline that your inculcating, masusunod yan.

Ayon sa kanya,  naging rebelde ang anak sapagkat madalas ikumpara ng tao ang anak sa kanyang kagandahan.

Ito’y kinumpirma ni Kong. Imee sa ibang mga panayam, naging suliranin  niya ang pagiging sobrang ganda ng kanyang ina sa isang bansang sobra ang pagpapahalaga sa kagandahan, “I don't look like her at all!” (Hindi ko talaga siya gusto!)  At napakalupit daw  ng mga tao sa kanya noong siya ay bata pa sapagkat hindi niya raw kamukha ang kanyang ina, at bilang isang teenager, napakahirap nito at hindi nakatulong sa kanya.  Ito ay naging malaking suliranin di lamang kay Imee, kundi mismo kay Imelda.  Dumating daw sa punto na naisip ng kanyang ina na huwag na siyang isama sa kanyang mga lakad upang iligtas ang anak sa mga mapang-aping mga bulong-bulungan.[36]

Sa ibang pagkakataon, sinabi naman niya na  ang kanyang pagiging rebelde ay dahil sa pagnanais niyang matanggap ng iba bilang siya at hindi dahil sa kanyang mga magulang.  Na kailangan niyang gumapang mula sa malahiganteng personalidad na kanyang mga magulang. [37]

Kaya naman, kung titingnan ang listahan ng kanyang mga ginawa bilang anak ng pangulo, masasabing sinikap ni Imee na gumawa ng sariling pagkakakilanlan.  Sa isa pang panayam, sinabi niyang ang pagiging Unang Anak ay para ding pagiging Unang Ginang—uukit ka ng sarili mong papel sa lipunan, at mag-iimbento ka ng trabaho.  Malinaw para sa kanya na gusto niyang makita ang sarili bilang isang lider-kabataan, isang mabigat na posisyon na maaaring maging isang magandang pagkakataon o maging isang pabigat.[38]  Itinatag niya ang Kabataang Barangay (KB) noong 1975, sa edad na 20.  Ang KB ay kanyang pinamunuan bilang tagapangulo mula 1975 hanggang 1986.  Ang KB ang naging unang manipestasyon ng kasalukuyang Samahang Kabataan (SK).  Noong 1983, pumasok siya sa pulitika bilang kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Ilocos Norte sa Batasan Pambansa, ang posisyong hinawakan niya hanggang 1986.

Sa aming panayam sinabi niya na  wala naman talaga sa pulitika ang kanyang damdamin, bagkus  nasa isang larangang may pagkakahalintulad sa hilig ng kanyang ina:

 

Kung nagkaroon ako ng pagkakataon, wala ako sa pulitika talaga.  Ayoko talaga rito.  A uhm, mas hilig ko sa arts pero yun nga, parati naming biruan e s’ya at si Irene pang Cultural Center yung type nila, ganun.  Ako hindi ko gusto (matatawa).  Ako gusto ko sine, komiks, pop culturePurveyor of pop culture daw ako sabi ng nanay ko.  Pero ganun pa man, pareho pa rin dahil arts pa rin, nanggaling pa rin sa kanya.  Although yung tatay ko, masyado ring mahilig sa teatro….  Alam niya yung literature of the theater, at saka mahilig siya sa anumang literature, sa panunulat, ganun.  Kasi maraming mga poets sa kanyang side ng family.  Sa mommy ko naman puro musikero.  Parating may tugtog sa bahay namin.

 

Bagama’t may pagkakatulad nga sa hilig ng ina—ang mga sining—may pagkakaiba pa rin sila.  Pang-opera at pangklasikal na sining ang kinahihiligan ng ina samantala ang pagiging direktor-heneral ng Experimental Cinema of the Philippines, na tumustos sa mga obra maestrang pampinilakang tabing:  Oro, Plata, Mata; Himala; Misteryo sa Tuwa at Soltero, ang pinagkaka-abalahan ng anak.  Naging katuwang na tagapagtustos rin siya ng mga pelikulang Brutal (kasama si Marilou Diaz-Abaya), Scorpio Nights (kasama si Peque Gallaga), at The Boatman (kasama si Tikoy Aguiluz).

Tinustusan din niya mula 1975 hanggang 1986 ang dalawang sikat na mga palabas na pambata, ang Kulit Bulilit at Kaluskos Musmos—ang pinagmulan ng Batibot.  Tinustusan rin niya’t sinulat ang dalawang animasyon ni Nonoy Marcelo, ang Da Real Makoy at Lam-Ang.  Noong 1977 hanggang 1979, naging manunulat at konsultant siya ng Children's Television Workshop for Asia and New York.

Sa  kasalukuyan, tila showbiz pa rin ang hilig ng anak.  Mula noong 1996 siya ay pangulo at executive producer ng Renegade Filmamakers, at lumabas sa ilang beses sa mga telenovela at iba pang palabas sa radyo at telebisyon. [39]

 

Imee:  Rebeldeng Pag-Ibig

 

Marahil, ang pinakamatinding sakit ng ulo na ibinigay ni Kong Imee sa kanyang ina  ay ang kanyang pakikipagtipan niya  sa atletang si Tomas “Tommy” Manotoc,  isang amateur golfer at propesyunal na basketball coach.  Masasabing ito ang pinakasukdulan ng kanyang karebeldehan.

 

 

Alam ng marami noon sa Maynila na nais ni Gng. Marcos na ipakasal si Imee kay Prinsipe Carlos ng Wales (sa Britanya)[40]  o kaya  sa anak ni Antonio Floirendo, ang “hari ng saging.”  Subalit ang nakababatang Floirendo ay nagpakasal sa iba.[41]

Sa Lungsod Baguio, kung saan nagligawan ang kanyang mga magulang, nakilala ni Imee si Manotoc sa isang antique shop.  Madaling nahulog ang loob niya at bilang pagsuway sa kanyang ina, siya ay nakipagtanan kay Manotoc. Kadidiborsyo pa lamang ni Manotoc  kay Aurora Pijuan,  na asawa niya ng sampung taon at ina ng kanyang dalawang anak.  Ang diborsyo ay ginanap sa Dominican Republic, na hindi naman kinikilala sa Pilipinas.  Nagpakasal sina Imee at Tommy noong Ika-4 ng Disyembre 1981 sa isang seremonyang sibil sa Arlington, Virginia.  Laking galit ng ina  nang magpakitang muli ang dalawa sa Pilipinas hindi lamang dahil si Manotoc ay diborsyado, ang mga tiyahin ay may-bahay  nina Raul Manglapus at Eugenio Lopez, mga kalaban sa pulitika ni Marcos, at ang kanyang nakatatandang kapatid ay asawa ng anak ni Eva Estrada-Kalaw, isa ring oposisyunista.  Ayon naman kay Pedrosa, ang dahilan kung bakit tutol si Gng. Marcos sa pagsasama nina Imee at Manotoc ay dahil hindi mapapantayan ni Manotoc ang mga katangiang hinahanap niya sa mapapangasawa ng kanyang anak..[42]

Ayon sa mga usap-usapan (na pinaghihinalaang nanggaling din mismo sa palasyo), binalak daw munang ikubli ng mag-asawang Manotoc ang  kanilang pagsasama at isulong ito kahit na walang pahintulot ng mga magulang ni Imee.  Bagama’t tinanggap ng Pangulo ang pagpapakasal ng anak, hindi ang Unang Ginang.  Dahil sa kanyang pagtutol, napilitan ang mag-asawa na maghiwalay pansamantala.  Noong Ika-29 ng Disyembre, bigla na lamang nawala si Manotoc.  Siniguro ng palasyo sa mga Manotoc na gagawinng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines) ang lahat upang mahanap si Tommy.  Inamin ni Tinyente Heneral Fidel V. Ramos sa mga mamahayag na nakatanggap sila ng ransom note.  Sa kabila ng mga hakbang ng pamahalaan, sinisi pa rin ng mga Manotoc ang mga Marcos sa pagkawala ni Manotoc.  Sinabi ni Imelda sa isang panayam na kung mamatay si Manotoc, na tinawag niyang “son of a bitch,” siya ay magbibitiw sa kanyang tungkulin . Dagdap pa niya, hindi dapat masakripisyo ang kapakanan ng 54 Milyong Pilipino para lamang sa isang tao at umiyak: “Bring him back alive!  I want him alive!” (Ibalik n’yo siya ng buhay!  Gusto ko siyang buhay!)  Inilabas ang hindi makontrol na Unang Ginang at inatasan ang mga mamahayag na huwag ibalita ang mga nakita.  Matapos ang anim na linggo, lumitaw si Manotoc at sa isang press conference, na pinangunahan ni Kalihim Juan Ponce Enrile at dinaluhan ni Hen. Fabian Ver, pinabulaanan niya ang paratang na si Gng. Marcos ang utak ng kanyang pagkakawala at itinuro ang makakaliwang Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army na siyang ang dumukot at bumihag sa kanya.  Hindi ito pinaniwalaan ng marami, maging ng ama ni Tommy na nagsabing mahirap nang mabago ang katotohanan.[43]

Pinagtakhan ng marami ang pagiging tila kalmado ni Imee habang nawawala ang asawa.  Napansing siya ay hindi balisa, at hindi sinasagot ang mga katanungan ng mga mamamahayag.  Sinasabi ng ilan na kung ang Unang Ginang ay ipinananganak na mayaman, ang tipo ng lalaking katulad ni Tommy ang kanyang pipiliin para pakasalan, maliban pa sa pagiging kahawig nito ang kanyang mga kaibigang sina George Hamilton at Van Cliburn, at maging ang kanyang unang pag-ibig na si Ariston Nakpil.  Ayon kay Pedrosa, sa pagpapakasal ni Imee, ipinagluksa ni Gng. Marcos ang kanyang nawalang kabataan.[44]

Di naglao’y tinanggap na rin ng Unang Ginang  ang pagpapakasal ng anak.  Sinabi niya minsan, “I have come to love him, too.  Of course you love those whom your children love.” (Natutunan ko na rin siyang mahalin.  Syempre, mamahalin mo rin ang mga minamahal ng iyong mga anak) [45]

Sa kanyang pagbabalik tanaw sa mga pangyayaring iyon , sinabi ni Kong. Imee  sa isang panayam na ang tila naghahanap siya  ng isang Don Quixote na gagawing “soap opera drama” ang kanyang buhay.  Ang kanyang pagpapakasal kay Manotoc ang nagpalaya sa kanya mula sa pagkakakulong sa palasyo.  Nagustuhan niya kay Tommy ang pagiging magaling niya sa pagpapapayak ng kanyang buhay. 

Makalipas ang ilang  taon, gumuho ang pagsasamahan nina Imee at Manotoc.  Sa ibang panayam, sinabi niya na nahirapan siyang ipaalam ito sa ina.  Bagama’t ayaw niya itong ipaalam, ay kanya na ring sinabi dahil ayaw niyang malaman ito ng ina sa ibang tao.    Lubos na nahirapan ang ina sa paghihiwalay nila.  Ayaw ni Gng. Marcos na maging single mom ang kanyang anak.[46]

 

Sa pagbabalik tanaw sa kanyang karebeldehan, sinabi ni Imee sa isa pang panayam,

 

Girls love their daddies, not their mommies, isn't that the cliché? I don't know how true that is because I don't have a daughter: I'm just stunningly ignorant about the raising job. Will I have another child? I don't think so; I'm too old. I've had all kinds of OB-Gyne problems giving birth. My plumbing isn't right.[47]

 

Sa isa pang panayam, sinabi niya na hindi naman ganoon kasama ang kanilang naging relasyon.  Yun ay pangkaraniwan lamang na dinadaanan ng mga anak.[48]

Kung ikakahon ang relasyon niya sa ina noon, sabi ni Imee, "She made me feel ugly and I made her feel dumb." (Pinaramdam niya sa aking pangit ako, at pinaramdam ko sa kanyang tanga siya)[49]

 

Imee:  Post-EDSA at Pagkawalay sa Pamilya (1986 – 1998)

 

Maraming masasalimuot na nangyari buhat ng ipailalaim ni Pang. Marcos sa Batas Militar ang  Pilipinas noong 1972 hanggang sa pagbagsak niya sa kapangyarihan noong 1986.   Tumindi ang sitwasyon ng mapaslang sa tarmac ng Manila International Airport ang dating senador at mahigpit na kalaban sa pulitika ni Pang. Marcos na  Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., noong 1983.  Ito ang magiging mitsa sa pagbagsak ng mga Marcos sa kapangyarihan, pagkaraan ng tatlong taon.

Pebrero, 1986 – Isang matahimik na himagsikan ang naganap sa EDSA ang nagpabagsak sa naghihingalong pamahalaang Marcos. Naluklok bilang bagong pangulo ang balo ni Senador Ninoy Aquino na si Gng. Corazon C. Aquino. Samantala, nilisan naman ng pamilya Marcos ang Pilipinas at sila ay nagtungo sa Estados Unidos.

Itinuturing ni  Kong. Imee na napakasamang bangunot ang mga huling araw nila sa Malacañang:  A big trauma,” sabi niya sa isang panayam. [50] 

Sa isang artikulong sinulat sa isang magasin, ginunita niya ang mga pangyayari sa araw na iyon.  .  Kanya raw narinig ang pagmamatigas ng  kanyang ama sa kausap nitong si Stephen Bosworth[51]: "I am not leaving, I would rather die here than abandon the Presidency." (Hindi ako aalis, mas nanaisin ko pang mamatay dito kaysa iwanan ang panguluhan)  Binalaan naman siya ni Bosworth na libu-libong mga tropa na raw ang nagmamartsa patungong Malacañang, ito ay magiging isang trahedya.  Hindi pala ito totoo ngunit dahil sa balitang ito napilitan silang lisanin ang palasyo. [52]

Dagdag pa ng anak, sa matagal na panahon, sinisisi  niya ang sarili sa pag-alis ng pamilya sa Malacañang at naramdaman din niyang sinisisi rin siya ng kanyang ama. [53]

Nang lusubin  ng mga helikopter ng Philippine Air Force ang palasyo, ang pamilya Marcos ay tumakbo patungo sa basement ng palasyo, kalung-kalong ni Imee ang kanyang dalawang sanggol.  Matapos ang paglusob, sinabi niya  sa kanyang ina na nagdesisyon na siyang ipadala ang kanilang sanggol kay Hen. Allen.

Naintindihan ng ina at sinabi niya na walang mag-aalaga sa mga bata, at ang sanggol ay limang buwang gulang pa lamang kaya kinumbinsi niya ang anak na sumama na.

Tumangi siya at sinabi niya na dapat manatili silang lahat kasama ang kanilang ama sa pagkakataong iyon dahil siya’y maysakit at “under siege.”

Sinabi ni Gng. Marcos na ang kanyang ama ay hindi aalis, at ang Unang Ginang ay mananatili kasama niya.

Hindi dininig ng mga Amerikano ang kanilang hiling na dalhin sila sa  Ilocos Norte, at sa halip. Sapilitan silang dinala sa  Hawaii.  Ang kanyang pagnanais na mahiwalay sa peligro ang kanyang mga anak, sinisisi ni Imee ang kanyang sarili na siyang dahilan ng paglisan nila sa palasyo. [54]

Hindi namalagi ng matagal sa Hawaii si Imee. Kinasuhan kasi siya sa hukumang pandistrito ng Hawaii ng ina ng isang estudyante sa Maynila na pinatay diumano matapos na kritikal na magtanong kay Imee.  Napatunayang nagkasala si Imee subalit ang kaso ay nakaapela pa rin.  Ayon sa dating tagapangulo ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), Jovito Salonga, ito ang dahilan kung bakit siya tumulak patungong Morocco.  Hindi niya

binabanggit na ito ang dahilan ng pag-iwan niya sa pamilya.[55] Huli niyang nasilayan  ang  ama na buhay noong Marso, 1986.

Siya at ang kanyang mga anak ay pinatuloy sa tahanan ni Haring Hassan II ng Morocco, na malapit na kaibigan ng Unang Ginang.  At kahit walang pasaporte, minsan siyang nakapaglakbay sa Pransya bilang isa sa mga ladies-in-waiting ng nakatatandang prinsesa ng Morocco.  Nakakuha siya at ang kanyang mga anak ng mga dokumento sa iba’t ibang bansa—Panama, Saudi Arabi, at Tonga, at nagpunta sila sa iba’t-ibang lugar sa Europa, at maging sa mga kagubatan ng Bolivia.  Sila ay huling  nanirahan sa San Pedro de Sintra, Portugal noong 1998.  Ang ina ang nakipaglaban upang ang pamilya Marcos ay makabalik sa bansang Pilipinas. [56]  At sa wakas, noong Disyembre ng 1991, nakakuha siya at ang kanyang kapatid na  si Irene ng mga dokumento sa Malaysia.[57]

Kapaskuhan ng 1991 nang masilayan niyang  muli ang kanyang ina matapos ang anim na taong hindi nila pagkikita .  Ang kanyang ama ay dalawang taon ng yumao. 

Sa kanilang pagbalik, naipakilala rin niya sa wakas ang kanyang ikatlong anak, si Matthew, sa buong pamilya Marcos.

Subalit, dahil sa mga malawakang krisis pang-enerhiya noong mga unang taon ng dekada 90 na sumalanta sa bansa at sa pangambang ang kanyang mga anak ay magdudusa sa paaralan sa pagtatanggol sa kanilang pangalan, muling nilisan ni Imee kasama ng kanyang anak ang bansa  at nanirahan sa Singapore simula Enero ng 1992. [58]

Nagbalik siya sa Pilipinas noong 1998 at nahalal bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte sa Kapulungan ng Mga Kinatawan (House of Representatives). [59]

Lagi raw sinasabi ng kanyang ina na ang EDSA raw ang pinakamagandang bagay na nangyari sa kanilang pamilya sapagkat naging mas malapit sila, at ang mga sanggol ni Imee, ang mga mahihina na naprotektahan, ay malalakas na ngayon. [60]

Matapos ang “Himagsikan sa EDSA”, Si Gng Marcos. ayon kay Imee, sa ibang pagkakataon, ang siyang nagpapakilos sa pamilya.  Naalala niya na sinabi ng kanyang ina na natapos na ang lahat at kailangan na nilang ipagpatuloy ang kanilang mga buhay-buhay.  Ang pinakamainam daw na pagganti ay ang pagiging malusog at masayahin upang  malalampasan nila ang mga pagsubok na ito ng mas matitibay.  Ayon raw kay Imelda, “That which will not kill you will make you stronger.” (Ang bagay na hindi makakapatay sa iyo, ang siyang magpapatibay sa iyo).

Pagpapatuloy niya sa naturang panayam, ang kanyang pamilya ay patuloy lamang sa pagmamartsa kaya naman mahirap niyang masagot ang mga tanong na kung mayroon siyang pinagsisisihan, “It's not being arrogant or anything, it's just I wasn't brought up that way (Hindi naman sa pagiging arogante pero di ako pinalaki na ganun [na mapangsisi]).[61]

 

Imelda:  Pagtitimbang Sa Anak Na Si Imee

 

Simple lang naman ang mga pangarap ni Gng. Marcos sa kanyang mga  anak:  “Ah gusto ko makatapos silang mag-aaral, mababait sila, and then magandang pag-iisip nila, pagpaplano nila…”

Nang tanungin naminsiya  na ito kung naisip niya na susunod rin  sa kanyang yapak ang kanyang mga anak, ito ang kanyang tugon:

 

Depende sa kanila yun eh.  Kasi kung gusto nila magagawa nila eh, pero…pero depende na yun sa kanya.  At tsaka we have to also think of destiny, destiny is the Divine Plan, and they must be believers to accept destiny whether it is for something great and something.

 

Nang magkomento kami tungkol sa pagiging prominente at pabuloso ng kanyang anak na si Kong. Imee, ito ang kanyang tugon:

 

Nagpapa-Imeldific din siya, si nanay yun.  Nagpapatalino din siya, sa tatay yun.  Mas okay siya kaysa sa akin ngayon, kasi hindi lang siya nagpapa-Imeldific, kung kaya importante yung tatay at nanay may kontribusyon each eh.  Kasi hindi lang katangian ng nanay, katangian pa ng tatay, ganun din yung tatlo.  May galing tatay, galing nanay, di mas mayayaman pa ang anak ko….  My children are more enriched and more enlightened than even us, kasi dalawa na ito combined at tsaka yung karanasan pa namin, kaya…kaya tingnan niyo by the way, kung makakapunta kayo sa Ilocos eto na ang proud mother, you should see Ilocos Norte, matutuwa kayo.  It…it, doubled or tripled the income of the province….  Nag export ng rice, nag export ng garlic.  It was the number one taxpayer in the country.  The second…Cebu, for instance, is the second biggest airport, but Cebu has 10 international flights a week, Ilocos Norte has 37, and iba na ang Ilocos ngayon, ang linis, peace and order, lahat ng awards ng United Nations ng lahat nadudun, nakakatuwa.  The best of the pudding is in the eating, see?  Mothering with Love! 

Talagang e yun na nga and such fulfilment.  Pagkaminahal mo ang mga bata, ang labas, ang laki ng ganansya mong naman mas pa, kasi parang meron ka ng sariling katangian tapos yung mga anak mo pa showering you with all this beautiful things to happen in your life….my God!

 

Ayon pa sa kanya, kung magagaling at magaganda ang mga anak, yun ay dahil sa mga magulang: “Hindi namumunga ng kamatis ang mangga, and vice versa.”

 

Imee:  Pagtitimbang Sa Ina

 

Nang tanungin namin si Kong. Imee kung ano ang pagkakatulad nila ng kanyang ina, ito ang kanyang tugon:

 

Yung nanay ko at ako hindi kami magkasundo nung lumalaki ako.  At hanggang ngayon talaga parati kaming nagkakasagutan pero ok lang naman kasi ngayon malaki ka na e.  So nakikinig naman siya, ganun.  Ang pagkakatulad namin, sa arts kaming pareho.

 

Nang amin namang tinanong kung ninais niya ring maging katulad ng kanyang ina, agad niyang sinagot, “Hindi…”  Sabay bawi naman at sinabing may isang katangian siya ng ina na nais niyang makuha:

 

…Hanggang ngayon, ninanais kong maging katulad niya kasi mabait siya e.  Yung saksakan ng bait.  E hindi naman ako ganun kabait (tatawa).  Halimbawa sa mga...Kasi ganyan, uhm, kami mas may topak kami sa mga anak.  Siya hindi e.  Siya pang umiiyak....  Baligtad yun e.  saksakan ng bait nun, yon.  At kahit anong batikos ng tao sa kanya, parati niyang pinatatawad.  Nakakaloka, yung ganun.  …sana yung pagkagenerous niya, not only financially, but the real generosity of spirit talagang ok e. 

 

Kung may aral na naibahagi sa kanya ang kanyang ina, ito ay yung hindi mainggit.  Dagdag pa niya:

 

At wala siya nung inggit sa katawan kaya siguro lahat kami, hindi naming naiintindihan bakit maraming naiinggit sa amin.  Parang wala sa aming kaisipan na may inggit pala, na napakatindi pala ng inggit sa mundo.  E kasi yung nanay ko wala naman yung inggit sa katawan e.  Sabi niya naiinggit lang siya sa mga payat, mga hindi tumataba.  ...at saka tuwang-tuwa siya yung, gusto niya lahat ng kasama niya magaganda, lahat mababango, lahat sosyal, gusto niya yung ganun.  Di ba yung iba na magaganda, ayaw nila me kakompetensya na magkakasama.  A hindi siya, gusto niya lahat sossy (sosyal), lahat sila ganun.  Tuwang-tuwa siya nun.  Ay pag may magandang bahay gusto niya lahat ganun.  Ganun siya e. 

 

Sa isa pang panayam sinabi niya na tanging noong 1986 lang napagtanto ng ina na marami palang naiinggit sa kanya at sa kanyang katangian, sa puntong nais nilang lahat na pabagsakin ang ina, yun bang crab mentality.  Kaya naman lagi raw sinasabi ng kanyang ina na huwag mamaliitin ang kapangyarihan ng inggit.[62]

Sa aming panayam, kanya ring kinilala ang papel ng ina sa tagumpay sa pulitika ng kanyang ama,

 

At saka may common touch siya na sa palagay ko malaking bagay yun sa tagumpay ng aking ama sa pulitika.  Kasi yung tatay ko may pagka-austere....  Hindi lang sa pera, masyado siyang sarado, tahimik.  Maski intelektwal, hindi mapamahagi….  Yung tatay ko masyadong matalino, hindi naiintindihan ng tao kaagad.  Masyadong mataas ang lipad madalas ang kanyang talumpati.  At kung minsan yung kanyang sinasabi hindi pa naiintindihan ng tao.  Matagal pa bago maunawaan.  Yung nanay ko parang siya yung interpreter ng ama ko, kumbaga.  Kasi madalas yung pangakaraniwang tao sa kalye nakaka-relate sa nanay ko in a way na hindi nakakarelate sa tatay ko.  Sa bandang huli natuto rin yung tatay ko sa kanya.  Kung kaya’t nanalo na rin siya sa pagiging pangulo dahil naturuan…siguro nabahagian na rin siya ng nanay ko ng common touch, ika nga.

 

Nang aming itanong kay Kong. Imee kung ano sa tingin niya ang kahinaan at kalakasan ng kanyang ina, parang atubili siyang sumagot ng ganito:

 

Yung nanay ko masyadong mabait.  Yun nga, masyadong malambot ang kalooban, yung ganon.  Minsan yung mga taong walang kakwenta-kwenta na talagang ilang beses na siyang biniktima, papabiktima pa rin, yung ganon.  Pagkatapos yung mga taong masyadong sipsip na sinungaling naman, papatulan niya….  Yun siguro ang basic na weakness.  Pero like in Greek Theater, yung weakness niya, yun din ang strong point niya.  Kasi, hanggang ngayon, kahit ilampaso, kahit ano pang sabihin nila na Imeldific, kahit ano pa, hindi siya mabuwag-buwag sa kaisipan ng masa dahil talagang mabait siya, mapagbigay, maunawain, yun.  So yung kakulangan niya, yun din yung katangian niyang pinakamatibay.  Palagay ko.  Kasi ganun, marami siyang iniisip e.  Yung tatay ko raw hindi raw naghirap.  Siya raw naging mahirap.  E totoo naman kasi yun, dahil yung tatay ko parating middle class.  Hindi nga sila mayaman pero mga professional.  Lahat sila nakakapag-aral. 

 

Sa ibang pagkakataon, sinabi naman ni Kong.  Imee na anak siya ng kanyang ama dahil sa paghanga niya sa husay at talino ng ama.  Nais niyang tularan ang ama na kayang gawing simple ang mga suliranin.  Ngunit anak rin siya ng kanyang ina dahil pangunahin sa kanya ang pagiging “artsy-fartsy.”  Siya at ang kanyang mga kapatid ay metikuloso kung ano ang mga aklat na dapat basahin, kung ano ang musika na dapat patugtugin, at kung ano ang dapat na hitsura ng isang dibuho.  Kahit sa mga simpleng bagay nakikita ang ganitong ugaling minana sa ina.  Kung mali raw ang pagkakatanim ng hardinero sa isang halaman, huhugutin niya ito, dahil sa huli, magiging sayang lamang ito, kaya dapat raw gawin ng tama ang mga bagay-bagay.[63]

Sa isa pang panayam, sinabi  ni Kong.  Imee ang  pagkakapareho nila ng kanyang ina, “I’m a fag-hag.  And so is my mother.  Homosexuals just adore her, and me, as well.”[64]

 

Imee:  Nang Siya Ay Maging Ina Na Rin

 

Si Kong. Imee ay biniyayaan  ng tatlong anak na lalaki, sina Fernando Martin, na lalong kilala sa pangalang “Borgy” Manotoc, isang fashion model;  F.R. Michael; at  Matthew Joseph.  Ang huling dalawa ay manlalaro sa mga paligsahan ng golf sa ibang bansa.

Tinanong namin kay Kong. Imee kung nagamit ba niya ang mga pamamaraan ng pagpapalaki ng kanyang ina at kung ano ang kanyang naramdaman nang maging ina rin siya. Ang kanyang tugon:

 

A syempre nasabi ko na rin sa ‘yo kanina na parang di kami magkasundo nung bata pa ako nung nanay ko, mas malapit pa rin ako sa tatay ko.  Pero naging ina na rin ako, syempre mas higit ko nang nauunawaan yung nanay ko.  Syempre, nung kinukulit ka kung saan ka pupunta.  Yung ganun, wag kang ganyan.  Yung kapakanan mo yung ganyan ganyan, lahat.  Syempre yun parang naiintindihan mo na rin.  Tsaka, yung mga tinatanong ko sa mga anak ko, sabi ng anak ko, “Parang pareho ka na rin lola?”  Yung ganun, syempre, kasi yung mga kinaiinisan mo, yung kinamumuhian mong mga tanong na, mga “Sinong kasama mo?”  “Anak nino ‘yan?” “Saan nagtatrabaho?” “Saan nakatira?”  “Kamag-anak ba yan ni ganito?”  “Kilala ba natin yung nanay niya?”  Yung ganun, yung nakakaasar na mga tanong.  Minsan napapatanong rin ako ng ganun kaya nakakatawa din.

 

Nang itanong namin kung pinagsisihan niya ang pagiging rebelde sa ina ngayong mas naiintindihan niya ang isang pagiging ina, sinabi niya na:

 

Oo siyempre matindi ang pagsisi mo di ba pag naging nanay ka, ang salba-salbahe mo nung maliit ka at parati ko sinasabi, kasi sabi nila, “Ay wala kang girl.”  Tatlong lalaki.  Lagi kong sinasabi, buti na lang walang girl.  Ano kaya kung naging ako yun?  Talagang…Talagang rebelde sa nanay.  Daddy’s Girl ako all the way e.

 

Sa ibang pagkakataon, sinabi ni kong. Imee na mabuti na lang at wala sa kanyang mga anak ang nagging kasing rebelde niya noon, dahil siya ay mas  malala.  Inilarawan niya ang mga anak bilang mababait.[65]

Isang mukha ng pagiging ina ni Kong. Imee ang nasaksihan na ng sambayanan nang minsang nakipag-away at nanuntok  ang kanyang anak  na si Borgy sa Boracay.  Bagama’t hindi ito nai-blotter sa pulisya, hindi ito pinalampas ni Kong. Imee.  Agad siyang nagpaumanhin at tinawag pa ang kanyang anak na stupido.[66]

Pinuna ni Kong. Imee kung bakit hindi kami  nagtatanong pagiging lola naman ng ni Gng. Marcos.  Lagi na lang daw ina ng ina. E lola na nga ang dating Unang Ginang.  Ayon sa kanya, “napakasalbaheng lola” ng kanyang ina:

 

Pero yung mommy ko, talagang masyadong mag spoiled ng mga apo….  Napakawalang kwentang lola, nag-ispoiled.  Pag binalik yung bata sa akin ayaw na sa amin.  Walang kakwenta-kwentang lola.  Terible!  Iniispoil lahat ng bagets.  Nakakainis yun, oo, papaliguan ka ng chocolates.  Napaka-spoiler.  Tapos bibigyan ka ng Coca Cola hanggang gabi.  Kahit hindi matulog, maglaro, i-on lahat ng TV, lahat ng bawal sa amin nung lumalaki, pinapabayaan yung mga apo.

 

Sa ibang pagkakataon, ikinuwento ni Kong. Imee na binibiro siya ng kanyang ina na nakakabawi na ang dating Unang Ginang sa ginawang karebeldehan ni Imee sa pamamagitan ng kanyang mga apo.  Nakikipagsabwatan daw si Gng. Marcos sa mga apo upang bigyan ng sakit ng ulo ang kanilang ina.[67]

 

Ang Mag-Ina:  Sa Kasalukuyan

 

Komprehensibong inilarawan ni Kong. Imee ang  ugnayan nila ni Gng. Marcos sa kasalukuyan:

A, sa ngayon, iba na yung relasyon namin ng nanay ko.  Parang dalawang babae na pareho rin, I mean, we have more things in common than we have that are differentWell, unang-una parati akong tumatakbo sa nanay ko, pati yung kapatid ko, sa mga katanungan ng pulitika.  Magaling siya e—ang lalim-lalim ng kanyang karanasan at kaalaman tungkol sa ugali ng tao e.  Kung minsan hindi na namin maintindihan, malalim ang laro ng pulitika lalo ngayon dito sa Pilipinas.  Minsan kapansanan din itong nangyari sa amin dahil pina-aral nga kami sa abroad.  Hindi 100 % Filpino ang…ang kalooban namin.  In the sense yung feeling ko kung minsan yung mga intriga, yung mga tsismis, madalas hindi ko gets.  Hindi rin naiintindihan ng kapatid ko na, ano ba yan?  E yung nanay ko siya ang nagpapaliwanag, “Hindi ganito ‘yan, kasi hindi logical ang Pilipino, kayo masyado kayong logical!  Makinig kayo!  Puro melo-drama ang Pilipinas, ganito kasi yon…”  ganun.  Madalas, siya rin ang talagang nakakasalba sa amin.  Pag nagkaipitan na sa Ilocos, pag wala na talaga kaming magawa, at hindi na talaga nakikinig yung tao, a, ilalabas na namin yung secret weapon namin, katulad ng tatay ko—na yung nanay ko.  Hindi makahindi ang tao sa nanay ko, e.  Kasi, sa Ilocos lalo, e dahil nga sa dami ng tao na natulungan na niya, dahil nga sa kanyang kabaitan hindi talaga mahindian ang nanay ko so pag gipit na gipit na kami, nanay naming ang panlaban namin.  So kami ni Bongbong, lalo na sa larangan ng pulitika, napapatakbo talaga kami sa nanay ko ng madalas.

 

Nang pumanaw si Pang. Marcos, tila nilutas nilang  mag-ina ang ang mga bagay na hindi nila pinagkakasunduan..  Sa ibang pagkakataon, sinabi ni Kong. Imee na natutunan na nilang tanggapin ang isa’t isa.  "All is forgiven. When you became a mother, you realize where all those maternal concerns come from and you find yourself asking all those dumb questions you hated when you were small."[68]

Sa panayam rin na iyon, sinabi niyang mas naiintindihan na rin niya ang kanyang ina, hindi lang bilang isang magulang, kundi bilang isang tao.  Na ang ina’y lubos na mapagkalinga, mapagbigay, bukas ang isip na tinatanggap ang maraming bagay, at hindi mapanghusga.  Naikwento pa niya na gusto ng kanyang ina si Dennis Rodman dahil sa tingin dahil sa magandang buhok nito.[69]

Nang itanong namin kung paano niya ipinapakita sa ina ang kanyang pagmamahal, ito ang kanyang tugon:

 

Ay syempre, yung mga birthday, ganyan, Christmas.  Christmas madalas si Bong at si Irene wala rito.  Ang ending kami nga ang magkasama pag Pasko.  Basta nagbabyahe kasi sila e, kasi si Bong Bong bugnot na bugnot na sa pagiging probinsyano, tsaka magastos kasi sa probinsya yung pasko e.  Pag pulitiko magastos talagang magpasko e.  Kailangan e out of town ka, mas mura pang magbyahe.  E kaso si Bong Bong aalis, si Irene rin aalis, madalas siya.  So yun, magkasama kami pag Pasko, New Year ganun.  Birthday din niya, ganyan.

 

Gaano ba sila kadalas magkitang mag-ina? Ayon kay Imee, hindi sila regular na nagkikita:

 

Yung Sunday lunch ng nakararaming pamilya hindi namin nagagawa yun dahil nasa Ilocos kaming dalawa ni Bong Bong, si Irene at yung nanay ko narito.  So sabog rin ang iskedyul ko kasi byahe ng byahe ako.  Minsan nasa Manila, minsan kung saan.  Tapos nung nakaraang taon, tatakbo sana akong senador e, byahe ako ng byahe sa iba’t ibang probinsya.  Madalas hindi ko nakikita.  E yung nanay ko, my mom is also very busy.  Hindi mo naman basta hagilapin, ang dami ring gimik nun. 

 

Dahil sa pagiging abala ni Imee, madalang na lang niyang nadadalaw ang ina, na kinatigan naman ni Gng. Marcos sa aming panayam:

 

Minsan nakakainis yung telepono, tsaka yung mga text, ano ba yun? Yung mga e-mail, mga fax, mga kung ano-anu kasi kung minsan ifafax ka nalang. Pag minsan ii-email ka nalang and all of that….  Its very nice in any way because Ferdinand, Jr. is very busy with being Governor and then Imee also, and then Irene but somehow there’s always an occasion, birthday, like on September 11, we’re all preparing for the Marcos Day for the President’s Birthday, which is in Ilocos so we look forward to that[70] and then, kaya naman pag nagkakasama-sama fiesta, you know.  But we are continuously [communicating] either by phone, by fax, by e-mail….  We are always very busy and were always in touch, we’re always in touch, very close and somehow, even Ferdinand was no longer around, he’s still very much with us, he has not left us because somehow, anything that is beautiful stays, love stays as I said.

 

Sa isang panayam, sinabi ni Kong. Imee na kung magkakaroon ng isang “bagong Imee,” ito’y bubuuin ng mas maraming kay “Mommy” kaysa ng kay “Daddy.” Na bagama’t dala-dala pa rin niya ang marami sa mga katangiang mula sa ama, napagtanto niya na ang kanyang mga alalahanin ay mas tulad ng sa kanyang ina.[71]  Sa pagdaan ng panahon, napagtanto rin ng nakababatang Imelda na hindi naman sila masyadong magkaiba ng nakatatandang Imelda.

 

Konklusyon

 

Maaaring tignan ang ugnayan ng mag-ina sa tatlong pamamaraan.

 

Una, maaari itong tignan kay Gng. Marcos. Kanyang ipinamalas na may hiwalay siyang katauhan sa kanyang asawa na si Pangulong Marcos at ang manipestasyon nito ay kanyang pagising Unang Ginang na may sariling mga proyekto.  Kinilala niya ang baying Pilipino bilang kanyang mga anak na nangangailangan ng kanyang kalinga at pagmamahal.  Para sa kanya, pantay lang ang pagtingin niya sa kanyang mga anak at sa bayan. Makikita na talagang kakaibang ina si Gng. Marcos. 

Nang itanong kay Gng. Marcos kung paano niya nais maalala ng kanyang mga anak at ng sambayanang Pilipino, “I mothered, I loved. Selfless woman. I want just to be remembered as their mother. That’s how I feel. Mother. Selfless and endless love—Mother, nanay. I will be so complimented, it’s not even funny.”

Nang itanong  naman kay Kong. Imee kung paano niya nais maalala ang ina sa hinaharap, ibinalik ni Imee ang tanong na, “Anong sabi niya?”  Nang sabihin namin na ito na ang nais ng dating unang ginang na maalala bilang isang ina, nabigla pa si Imee at kanyang sinabi,

 

Ganun?!  Parati niyang sinasabi ‘yan, ako’y nagtataka kung bakit.  Kasi ang pagtingin ko sa kanya hindi nga nauna ang pagiging ina at madalas niyang sinasabi sa akin, at kay Irene na kapatid ko na mas mahusay daw kaming ina kaysa sa kanya.  Kasi kalian man di daw niya naging kauna-unahang prioridad ang pagiging ina.  Kaya nagtataka ako pag sinasabi niya…Baka yung sinasabi niya yung ina na capital I-N-A, ibig sabihin—INA ng Bayan.  Yung ina na malaking ina, yung ganun.  Hindi yung ina na ina ng tahanan.  Dahil yun nga maliwanag nga sa amin mula pa nung maliit kami na asawa niya ang tatay ko at gagampanan niya yung papel na ‘yon na kauna-unahan.  Nagtataka nga ako bakit niya sinasabi ‘yun.  Pero on the other hand, naiintindihan ko kasi nung naging presidente yung tatay ko, naghatian sila ng trabaho, ika nga.  At sabi ng tatay ko, “Ako ang magpapatakbo ng pamahalaan—ang pamahalaan ang siyang sasagot sa mga pangangailangan ng nakakaraming tao.  Subalit, ang INA ng bayan, na siya ang papel na gagampanan mo, ay kailangan na…uhm…sumagot sa pangangailangan ng, ang sabi niya, yung pinaka…anong tawag dun?  Pinakamatalino, pinakamahusay, pinakamagaling, pinaka…what do you call this?  Tawag dun yung—the most gifted of society.”  At yung tinuturing niya yung mga artist, musicians, painters, intellectuals, writers, at yung pinakamagagaling at saka yung pinakakawawa—yung may kapansanan, yung mga mahirap, yung maysakit, yung matatanda.  So parang yung ganun ang naging papel ng tatay ko.  Yung sa nakararami, yun yung tatay ko, the mainstream ano.  Tapos, yung the most gifted, and the most disadvantaged, sagot naman ng nanay ko.  Kaya yun ang pagkaina niya.  Siguro, kaya kung titingnan niyo yung mga talumpati niya dati parati tungkol sa pagmamalasakit.  Yung Compassionate Society.  Yun ang talagang maririnig mo parati at alam ko na ramdam na ramdam niya yun, feel na feel niya yun.   …hindi ek-ek yun e.  Minsan kasi madalas gamitin rin ng ibang pulitiko pero sa kanya—totoong-totoo siya yung ganun, kasi ganun siya e.  Nameet naman ninyo di ba?  E, yung compassion, real na real yun.  So at saka yung pagmamahal niya as Patroness of the Arts, totoong-totoo rin yun kasi musician din siya e, parang…kaya…yun…yun ang pinakamahusay daw at saka pinakawalang kakayahan, yun daw ang sagot niya.  So I think, in that sense, INA nga ng Bayan.

 

Pangalawa, maaari itong tignan kay Imee.  Ang “daddy’s girl” na produkto ng nagbabagong panahon.  Tulad rin ng maraming kabataang babae, siya ay nagrebelde rin sa ina.  Kakaunting panahon at atensyon lang ang ginugol sa kanya ng  kanyang ina kumpara sa ibinibigay sa kanya ng kanyang ama. Ninais rin niyang makawala sa nakakakulong na kapangyarihan na dala ng posisyon ng kanyang ama at ina at sa mapanghusgang mata ng publiko.  Dahil sa magkaiba ang panahong na kanilang kinamulatan, tinutulan ni Gng. Marcos ang marami sa mga gusto ni Imee.  Ngunit makikitang ang ina rin ang naging susi sa kanyang paglaya—nang papag-aralin siya sa ibang bansa.  Naramdaman niya ang lubos na kalayaan  nang lihim siyang nagpakasal  sa isang lalaking hindi gusto ng kanyang ina.  Ngunit ayon nga kay Kong. Imee, ang kanyang pagiging rebelde ay isang bahagi ng lang ng buhay niya. Matapos mapaalis sa kapangyarihan ang mga Marcos at sinundan ng pagpanaw ng dating Pangulo, masasabing napagtanto ng mag-inang Marcos na ayusin na nila ang kanilang hindi pagkakaunawaan sa isa’t isa at sila  rin naman ang magdadamayan sa bandang huli.

Pangatlo, maaring tignan si Gng Marcos bilang Ina ng Bayan.  Bagama’t marami siyang  naitulong sa mga  mahihirap at magagaling sa lipunan, hindi masasabing naging pangmatagalan ang marami sa mga ito.  Kung paniniwalaan ang kwentong ng kanilang mga kalaban sa pulitika at taga-sunod nito, ang mag-asawang Marcos ay nagkamal daw ng limpak-limpak na salapi para sa kanilang sariling kapakinabangan.  Kung gayon, babasagin nito ang kaisipang si Gng. Marcos ang ina ng bayang Pilipino,  na kinalinga niya tulad ng isang ina sa kanyang mga anak. 

Anupaman ang sabihin ng iba, maituturing pa rin na sa kabila nang pagiging rebelde ni Imee sa ina, at sa kakulangan ng atensyon ng ina, masasabing sa huli, nagbunga rin ang pagsisikap ni Gng. Marcos na mapalaki sa isang maipagmamalaking anak si Kong. Imee Marcos.  Makikita na patuloy na pinaglilingkuran ni Kong. Imee ang kanyang mga nasasakupan sa ikalawang distrito ng Ilocos Norte. Nang itanong namin  kung may pinagsisisihan ba siya sa pagpapalaki ng kanyang mga anak, ang tugon ni Gng. Marcos “Wala!  Ok naman sila e.  Happy naman sila e.

 

Gng. Imelda Marcos Bilang ”INA ng Bayan”

Nina Nancy Aenoh Cortez at Gretzhel Saligbon

 

            Kinilala si Gng. Imelda R. Marcos bilang “INA ng Bayan” -  ang papel na kanyang pinagsikapang gampanan nang siya ay naging Unang Ginang ng Pilipinas.  Marami na ang naisulat tungkol sa kanyang aktibong pakikibahagi at pagtulong sa pulitikal at pampublikong gawain ng kanyang yumaong asawa, si dating Pang. Ferdinand E. Marcos. Ngunit si Gng. Marcos, sa kanyang pilosopiya at bawat kilos, ay inaangat pa lalo ang kahulugan ng pagiging Unang Ginang sa pamamagitan ng paggamit ng konsepto ng INA.

 

 Nakagawian na, na ang Unang Ginang ay bihirang nakikibahagi sa mga gawaing dapat gampanan ng isang Pangulo.  Kadalasan nananatili ang Unang Ginang sa likod ng kaligiran ng kaniyang asawa upang magbigay ng suporta.  Mas ninanais ng isa na mapanatili ang kanilang pribadong buhay na malayo sa lente ng mga kamera at “mapanghusgang” mata ng ilan.  May pagkakataon pang ang Unang Ginang ay umiiwas na maging paksa ng usapan ng mga tao.  Ganoon din naman ang kagustuhan ng kaniyang asawa; bilang Pangulo, ito na lamang ang tumutugon sa tungkuling maglingkod sa bayan; samantalang ang kanyang may-bahay ay nananatiling tipikal na ina sa kanilang mga anak at isang mapagmahal na asawa. 

 

Ganyan nga ang nakagawian sa ating bayan: ang Unang Ginang ay hindi na nakikibahagi pa sa ningning ng persona na ginagampanan ng kanilang asawa bilang Pangulo ng bansa.  Ilang halimbawa na maaaring magpatunay sa kagawiang ito ay ang mga karanasan ng mga dating Unang Ginang ng Pilipinas.  Ang dating Pangulong Manuel L. Quezon ay kinailangan pang kumbinsihin ang kanyang may-bahay na si Gng. Aurora Quezon na lumipat sa opisyal ng tahanan ng Pangulo.  Sina Gng. Trinidad Roxas, Gng. Luz Magsaysay, at Gng. Leonila “Inday” Garcia ay nanatili naman sa anino o likod ng kanilang mga asawa; ngunit, laging nandiyan upang magbigay ng suporta.  Samantala, si Gng. Evangelina Macapagal ay nagpakita ng interes na makibahagi sa katungkulan ng kanyang asawa bagama’t hindi siya kasing aktibo ng huli.  Siya ay nakilala sa kanyang proyekto ng pagpapaayos ng kapaligiran ng “Augean Stable” (dating Malacañang).*

 

            Malaki ang kaibahan ni Gng. Marcos kung ikukumpara sa mga dating Unang Ginang na nabanggit.  Siya ay naging aktibo sa pakikilahok sa pampublikong gawain. Gumawa siya ng kanyang mga sariling proyekto.  Lagi rin siyang kasa-kasama ng dating Pang. Marcos sa mga handaan sa loob at labas ng bansa kung saan kanyang nakakadaupang-palad ang ilan sa mga pinakamakapangyarihan, pinakamaimpluwensya, o kung minsan pinaka-kinatatakutang tao sa mundo.  Nagtungo na rin siya sa mga diplomatikong misyon sa iba't ibang bansa. Ilan sa mga ito ay ang kanyang pagtungo at pagbisita sa Tsina, Rusya, at Libya. Masasabi talagang damang-dama ang presensya ng Unang Ginang sa panloob at panlabas na usapin ng bansa. Dahil dito, nakita siya bilang pangalawang tao na may malakas na impluwensya at kapangyarihan sa bansa, sunod sa Pangulo.  Ang ganitong sigasig ni Gng. Marcos sa pagganap ng kanyang tungkulin bilang Ina ng Bayan ay bunga marahil ng kagustuhan ng dating Pang. Marcos na makibahagi ang kanyang asawa sa pagganap ng kanyang tungkulin dahil na rin sa natatanging karismang taglay nito sa pakikitungo sa mga mamamayan.  Sinasabi ring malaki ang naging bahagi ni Gng. Marcos sa tagumpay ng dating pangulo sa pulitika.  Ang pagganap ni Gng. Marcos bilang Ina ng Bayan  ay higit na mapagtitibay at maipapaliwanag sa mga pahayag na kanyang binitiwan nang siya ay aming kinapanayam.

 

            Tinanong namin si Gng. Marcos kung ano ang hindi niya malilimutang karanasan sa pagsasamang ng kanilang pamilya at paano niya mailalarawan ang kanilang pagsasama.

 

            Tinugon niya kami ng ganito: 

“ Isa lang, mapagbigay at mapagmahal, one of the great things that I have learned, yun na nga naging First Lady ako at tapos si Marcos naging Presidente. Ang unang tanong ko, sabi ko Marcos ngayon Presidente ka na anong role ko?  Sabi niya, me a President and father, father ha, will build a strong house for the Filipino people and you as First Lady and mother, make it a home.”

 

            Ang malawak na pagtingin ni Gng. Marcos sa kanyang papel bilang Unang Ginang tungo sa “Ina ng Bayan”  ay pinagtibay ng mga pahayag na aming nakuha mula kay Kong. Imee Marcos nang siya ay amin ding kinapanayam. Ang unang binanggit na ito ng dating Unang Ginang ay nagsilbing paliwanag sa mga kilos nito bilang ina ng kanyang sariling pamilya. Ayon kay Kong. Imee,

 

“Yung nanay ko e hindi siguro maituturing na pangkaraniwang ina.  Unang-una, ang laki kasi ng agwat nila ng aking ama.  Yung aking ama e malaki ang tanda sa nanay ko.  Twelve years yata o mahigit pa ang kanilang pagitan kung kaya parang yung nanay ko ay hindi talaga magulang kundi parang ate na lang namin.  Parang, parang yung nanay ko ay hindi talaga magulang, parang ganun.  Very dependent kami sa ama ko, pati yung nanay ko.  At nung namatay nga yung tatay ko e talagang yung pamilya ko ay parang naligaw at hirap na hirap kami dahil siya nga lang yung tanging magulang halos.  Yung nanay ko, syempre nanay din siya pero hindi nga rin siya pangkaraniwan dahil naging labis na aktibo siya sa larangan ng pulitika.”

 

            Sandaling naantala ang pagsasalita ni Kong. Imee nang siya ay nagpakita ng hindi pagsang-ayon sa pagkuha namin ng mga larawan habang nagaganap ang panayam. Ang pangyayaring ito ay nagbigay sa amin ng hinala na ang kongresista ay hindi pa gaanong komportable sa ideya na napapalibutan siya ng maraming kamera na sumusunod sa kanyang bawat galaw. Kaiba kay Gng. Marcos na walang kakurap-kurap na sinagot ang bawat katanungan bagama’t tuloy-tuloy ang aming pagkuha ng mga larawan. Magalang naman kaming humingi ng paumanhin at hinintay na lamang na matapos ang panayam upang kumuha ng mga larawan kasama ng kongresista. Ipinagpatuloy ni Kong. Imee ang paglalahad ng mga dahilan kung bakit, para sa kanya, si Gng. Marcos ay isang hindi tipikal na ina. Ayon sa kanya:

 

            “At sabi niya na yung tatay ko daw ang, ang, ano bang tawag nito, ang unang priyoridad niya.  Maliwanag yun e, at tanggap naming mga bata  na yung priyoridad ng nanay ko ay maging asawa, hindi yung maging ina.  E maliwanag yun dahil sabi niya, sa buhay naman una siyang naging asawa at sa dulo ng kanilang buhay, sila na rin dalawa ang matitira at sila na rin ang maiiwang magkasama.  At yung mga bata ay lalaki at tatahak ng sariling landas, ng sariling buhay.  Kaya ang pangunahing gawain niya sa buhay ay yung maging asawa, hindi yung maging ina.  Ah, minsan nabibigla yung iba.  Medyo kontrobersyal ang tanawin ng nanay ko sa pagiging ina pero sa akin, uhm, palagay ko tama lang sa nangyari din sa buhay niya.  Isa pa, yung nanay ko hindi rin pangkaraniwan dahil naging ulila siya.  Namatay yung nanay niya wala pa siyang pitong taon.  So yung pamilya niya may step-children na nauna sa kanila, pagkatapos sila yung second batch.  ‘Tong mga older na step-children ang naging nanay niya.  So dahil dito, siguro hindi masyadong tradisyunal yung pagtingin ng nanay ko sa pagiging ina, ng sa, uhm, papel ng pagiging ina.”

 

            Higit namang pinagtibay ng pahayag ni Kong. Imee ang pagiging Ina ng Bayan ni Gng. Marcos, nang siya ay aming tanungin kung paano niya nais na maalala ang kanyang ina sa hinaharap.  Bago niya sinagot ang aming katanungan ay nagpakita muna ito ng interes sa maaaring sinagot ng kanyang ina. Ibinalik niya ang tanong sa grupo at tinanong: “ Anong sabi niya?”  Kami ay natawa at tumugon ng: “Ma'am gusto niyang maalala siya bilang… ina.” Nagulat sa aming isinagot si Kong. Imee na kapansin-pansin ang panlalaki ng mata at pagtaas ng boses.  Sabi niya:

 

 “Ganun! Parati niyang sinasabi yan ako'y nagtataka kung bakit.  Kasi ang pagtingin ko sa kanya hindi nauna ang pagiging ina at madalas niyang sinasabi sa akin at kay Irene na kapatid ko na mas mahusay daw kaming ina kaysa sa siya, kaysa sa kanya.  Kasi kailanman di daw niya naging kauna-unahang priyoridad ang pagiging ina.  Kaya nagtataka ako pag sinasabi niya.  Baka yung sinasabi niya yung ina na capital I-N-A, ibig sabihin – INA ng Bayan.  Yung ina na malaking ina, yung ganun.  Hindi yung ina ina, ina ng tahanan.  Dahil yun nga maliwanag nga sa amin mula pa nung maliit kami na asawa niya ang tatay ko at gagampanan niya yung papel na ‘yun kauna-unahan. Nagtataka nga ako bakit niya sinasabi yun.  Pero on the other hand, naiintindihan ko kasi nung naging presidente yung tatay ko naghatian sila ng trabaho, ika nga.  At sabi ng tatay ko, ako ang magpapatakbo ng pamahalaan. Ang pamahalaan ang siyang sasagot sa mga pangangailangan ng nakakaraming tao.  Subalit, ang INA ng Bayan, na siya ang papel na gagampanan mo, ay kailangan na, uhm, sumagot sa pangangailangan ng sabi niya, yung pinaka...anong tawag dun? Pinakamatalino, pinakamahusay, pinakmagaling,pinaka...what do you call this?  Tawag dun yung the most gifted of society.  At yung tinuturing niya yung mga artists, musicians,painters, intellectuals, writers at yung pinakamagagaling at saka yung pinakakawawa – yung may kapansanan, yung mga mahirap, yung may sakit, yung matatanda.  So parang yung ganun ang naging papel ng tatay ko.  Yun sa nakararami, yun ang tatay ko, the mainstream ano.  Tapos, yung the most gifted and the most disadvantaged sagot naman ng nanay ko.  Kaya yun ang pagka-ina niya.  Siguro, kaya kung titingnan niyo yung mga talumpati niya dati parati tungkol sa pagmamalasakit. Yung...Compassionate Society.  Yun talagang maririnig mo parati at alam ko na ramdam na ramdam niya yun, feel na feel niya yun.  Yun ay hindi, hindi ek-ek yun e...  E, yung compassion real na real yun.  So at saka pagmamahal niya as Patroness of the Arts, totoong-totoo rin yun kasi, kasi musician din siya e, parang kaya yun, yun ang pinakamahusat daw at saka pinaka-walang kakayahan, yun daw ang sagot niya. So it hink in that sense, INA nga ng Bayan.”

 

            Ang mga pahayag na binitiwan ng mag-inang Imelda at Imee ay sapat na upang maging pagpapatunay na  si Gng. Marcos ay mas ninais na makita ang kanyang sarili bilang INA ng Bayan.

 

  Matapos ang labing-walong taon na pagkawala ng kanyang titulong Unang Ginang, hindi pa rin naglaho kay Gng. Marcos ang paniniwalang siya ay isa pa ring ina ng mga Pilipino. At, hindi lang ito maririnig sa kanyang mga labi; ang kanyang mga kilos ay hindi maitatanggi ang pagtinging ito sa kanyang sarili. Ang kanyang naging pakikitungo sa amin sa buong panahon ng panayam ay lubusan pang magpapatotoo sa personang piniling gampanan ni Gng. Marcos nang siya ay maging Unang Ginang.

 

            Una  ay ang malugod at mainit na pakikitungo ni Gng. Marcos sa amin mula sa simula hanggang matapos ang aming pakikipanayam, na hindi namin inaasahan.  Bago pa naganap ang nasabing interbyu, magkahalong galak at kaba na ang naramdaman ng bawat kasapi ng pangkat. At, habang palapit ng palapit ang takdang oras ng pakikipanayam, lalo kaming binalot ng kaba; ngunit hindi na rin maitatatwa na ang bawat isa ay hindi na makapaghintay na makita at makausap ng personal si Gng. Marcos.  Nang kami ay nasa lobby na ng condominium kung saan siya naninirahan sa kasalukuyan, muli nag-usap ang aming grupo upang masiguro ang maayos na daloy ng panayam.  Nagpakita rin kami ng suporta sa isa't isa at sinubukang kumbinsihin ang aming mga sarili na maging kalmado at natural.  Isa-isa rin kaming tumungo ng palikuran bilang “huling silip” sa aming kaanyuan upang masigurong maayos kami sa sandaling makakaulayaw namin ang dating Unang Ginang.  Sa elevator, kitang-kita ang ningning sa aming mga mata at nararamdaman namin ang kabog sa aming mga dibdib; mga tanda ng kasabikan at kaba.  Pagtapak sa harap ng pinto ng unit ni Gng. Marcos, naghintay pa kami sa kung sino ang pipindot sa doorbell. Sa huli, si G. Angeles ang siya ring pumindot. Lumabas ang isa sa mga kasambahay ni Gng. Marcos, matapos ng aming ikalawang pagpindot sa doorbell, at kami ay pinapasok.  Dahan-dahan kaming pumasok  at hindi naiwasang mamangha ng bawat isa nang makita ang mga gamit at larawan na nasa bawat sulok ng kuwarto.  Sa madaling sabi, hanggang makatungtong kami sa kuwarto, balot kami ng tuwa at kaba.  Nagagalak dahil magaganap na ang panayam na aming hinihintay at kinakabahan sa magiging resulta ng aming pakikipanayam.  Nang lumabas si Gng. Marcos, kaming lahat ay natahimik.  Nabasag lamang ang katahimikan nang malugod niya kaming binati matapos ang aming “Good morning po!” Kitang-kita na hindi niya inaasahan ang napakabatang grupo na kanyang pinaunlakan sa isang panayam sa kanyang winikang, “Oh, how very young!”

           

            Hindi rin niya naitago ang kanyang nararamdaman nang inabot na namin ang aming dalang mga bulaklak at cake. Panay ang kanyang, “My God, it’s oh!” At, kanya ring pinahabol ang, “What did I do to deserve this?”

 

            Tumugon kami: “We are privileged that you allowed us to visit you.”

 

            Nagpatuloy si Ginang Marcos na nagpakita rin ng galak sa aming pagdating.   “No, no, no problem because the subject matter, talking about mothering, that is quite different and that is what I believe because in fact ah, because of the interest in the subject.”

 

            Sa ganitong pakikitungo ay hindi na namin naiwasan na ipakita rin ang pagkagalak sa mainit na pagtanggap ni Gng. Marcos sa amin.  Nakatulong ito upang kami ay maging kalmado at mawala na ang anumang kaba na bumabagabag sa amin.  Nagpatuloy kami sa pakikipag-usap at aming kinamusta si Gng. Marcos. Tinugon naman niya kami:

 

 

 “I, I, I feel great and I feel better, with you guys around here, you have just further enriched my day and my life.  First of all, I would like to say I'm very, very , I was quite excited about your subject matter, and ah, mothering, and ah, because I feel it is the need of the world today and humanity, and ah, I can feel that this group of students and I pray leaders of our country, with this commitment and just being sensitive with the ordinary and seeming every day things mother, mother, mother, is so important and so indispensable at this point in time.”

 

            Ipinarating din namin ang aming pagkagalak nang siya ay aming nakita.  Sinabi naming: “We are so overwhelmed with your presence.”

 

            Tinugon niya naman kami: “ The same here, the feeling is mutual, I'm so excited about this and because you're students of UP and Filipinos, naku ang galing!”

 

            Matapos ng panimulang batian at maikling kamustahan, nagsimula na kami sa aming pakikipanayam.  Hindi kailanman nawala ang mainit na pagtanggap sa amin ni Gng. Marcos sa buong panahon ng panayam.  Isa pang pagpapatunay nito ay ang pagbibigay niya ng pahintulot sa amin na tawagin siyang mommy, matapos siyang tanungin ni G. Chua.  Maluwalhati naman siyang tumugon ng: “Of course, anytime...anytime, any time, that's great!”

 

            Nagpatuloy  ang aming pakikipanayam na wala na ang kabang aming unang naramdaman.  Higit kaming naging komportable sa aming pagtatanong habang dumadaan ang mga oras.  Maayos namang sinagot ni Gng. Marcos ang aming mga tanong at kadalasan pa ay mahaba ang pagtalakay niya sa mga ito.    Malumanay rin siyang magsalita.  Marahil dahil inaasahan na niya ang isang mahabang panayam ay nagpahanda pa siya ng masarap na tanghalian na aming pinagsaluhan.  Hindi rin siya nagpakita ng pagkailang o sinubukan mang maglagay ng distansya sa kanya at sa amin, kahit halos dumikit na kami sa kanya.  Nang dumating na ang katapusan ng aming pakikipanayam, nagpakuha pa siya ng larawan kasama namin. Pinirmahan din niya ang ilang dala-dalang libro at iba pang mga koleksyong larawan nina G. Angeles at G. Chua. Gayundin, binigay din niya sa aming grupo ang isang aklat na may pamagat na Let The Marcos Truth Prevail.

 

            Ang malugod at mainit na pakikitungo ni Gng. Marcos sa mga tao, tulad ng aming nasaksihan, ang siyang naglapit sa kanya sa mga tao na nakapalibot sa kanya. Hindi maitatanggi na malaki ang naitulong nito sa tagumpay ni dating Pang. Marcos sa pulitika.  Ang kakayahan ni Gng. Marcos na makitungo sa tao, na walang pinipili, ang naging daan niya sa sarili niyang pakikibahagi sa mga gawaing pulitikal sa ating bansa.

 

            Kapansin-pansin na magkaiba ang pagtingin ng mag-inang Imelda at Imee sa pagiging ina ng una.  Napansin namin sa kanilang pagsagot sa mga tanong kung anong klaseng relasyon mayroon sila bilang mag-ina.  Si Gng. Marcos ay may higit na pagpapahalaga sa kanyang pagiging asawa at pagganap bilang Ina ng Bayan. Samantalang si Kong. Imee ay higit na malapit sa kanyang yumaong ama na higit na nakatugon sa tungkulin nito bilang magulang sa kanya; tanggap ang katotohanang iba ang pananaw ng kanyang ina sa pagiging ina.

 

            Si Gng. Marcos ay kapansin-pansin ang pauli-ulit na pagbanggit niya sa mga tungkuling ginampanan niya sa bayan sa pagsagot sa aming mga tanong bagama't patungkol sa relasyon ng kanyang pamilya ang aming tanong.  Mapatutunayan ito sa mga sumusunod na pahayag ni Gng. Marcos.

 

            “...hindi lang ako bumabalik sa aking immediate ninuno like forbears, great grandfather, my great grandmother, in the Romualdez family we have a family tree that goes for several centuries back, and even for many countries back in China, Georgia and russia andall of that were my forbears come from, but in truth and in fact, President Marcos and I go back to our cultural genesis of Malakas and Maganda, I do, we, we, because we are so proud of our culture...I start with your answer and I go back to our beautiful genesis of maganda and malakas plus the fact that you know when I was First Lady far more than 20 years, these people are very demanding, I would make  a housing project.  The housing project is good. They're not content with a mahusay ba ang project ni Ma'am? Then it was done right, nobody said, tama ba ang ginawa ni ma'am? Malaki ba, mahal ba?  Nobody would ask them, isa lang maganda? Filipino people are most demanding, nothing but maganda. Now we start with genesis of Malakas and Maganda and the Filipino will get nothing less but maganda....”

 

            Isa pang halimbawa ng kanyang pahayag na binabaggit niya ang pagganap niya sa pagiging Ina ng Bayan ay ang pagkukuwento niya sa hindi niya malilimutang karanasan sa pagsasamang pamilya Marcos na pinasimulan niya sa pag-atas ni dating Pangulong Marcos sa kanya bilang Ina ng Bayan.  Isinalaysay ni Ginang Marcos: 

 

“ When I was a young girl ah, in Leyte, every time there was a VIP to come and I was assigned to give pina-plantsa ko na yung baro ko, shine ko na yung shoes ko para pagdating ng VIP maganda na ako, so 3, 4 days before the coming of this VIP, pa-plantsa na ako yung sapatos ko sina-shine ko na tapos yung buhok para maganda ako pagdating ng araw ng pagdating ng VIP, so pagdating ng VIP ready na ako.  Ganda ko na, kala ko, sabi ko darating ng VIP galing sa ciudad asawa hindi naghilamos, hindi nagsuklay ng buhok, hindi nag-toothbrush, faded yung baro, halos naka, tsaka tinali lang ng rubber band papanggit nitong VIP tsaka asawa ng VIP di man lang nag-ayos, sabi ko bastos ito ah, walang respeto porke kami probinsyana sila mga bigshot wala silang respeto sa amin mga taga probinsya.  Sabi ko doon mismo maliit pa ako sabi ko, pagka ako naging VIP kung isang oras aking pagbibihis para sa kapwa ko VIP pagpunta ko sa probinsya sa Tondo, sa mga mahihirap, dukha at maralita ako nagbibihis ng dalawang oras, kasi sila naghahanap ng isang ilaw sa karimlan, they're looking for someone to look up to, they want somebody who is a standard, magbibigay sa kanila ng kasiyahan, and they, they ask me when I was First Lady, Mrs. Marcos, what is your role as a First Lady?  I had to be a star to look up to and standard, I have to be a slave that everybody becomes a star. S and S, Star and Slave because you were mother eh, because you were mother of a big way of selfless and endless giving....”

 

            Sa ganitong takbo ng pagsagot ni Gng. Marcos sa aming mga katanungan ay ipinagpatuloy pa rin namin ang pagtatanong.  Sumunod naming ninais na malaman sa kanya ay kung sa anumang paraan ay maituturing ba niya ang kanyang sarili bilang isang tipikal na ina.

 

            Tinugon nya kami ng ganito:

 “ Alam mo hindi lang tipikal, natural eh, kasi una isipin mo yung responsibilidad mo, yung bata, yun naman hindi naman, it was not his decision to be born, it was you.  So you have the responsibility to give and give, so that parang puno ng kahoy yan eh, ang ina parang punong kahoy, kung ano ang bunga yan din ang dahon, yun din ang bulaklak, pagka di namumulaklak mamamatay na ang puno.  That natural give and give, mother and mother, and ako I was so lucky because I became First Lady and my role as First Lady was to be a mother to the country and when you're mother you no longer have priorities.  Everything is a priority.  Everybody is a priority even your enemies is a priority because they are your children and your people...”

 

            Kapansin-pansin sa mga pahayag ni Gng. Marcos ang paikot-ikot at paulit-ulit niyang pagsagot sa aming mga tanong. Patuloy pa rin ang pagbanggit niya sa konsepto ng kanyang pagiging Ina sa bayan sa halip ng pagiging ina niya ng tahanan.

 

            Samantala, si Kong. Imee Marcos ay nagbigay ng mga tiyak na sagot sa aming mga tanong.  Maiksi lamang ang naganap na aming pakikipanayam sa kanya, nagmamadali siya dahil kailangan niyang bumalik sa session hall,  ngunit siksik sa impormasyon ang kanyang mga sagot na nagbigay sa amin ng mas malinaw na ideya sa kanilang relasyong mag-ina.  Noong simulang bahagi ng panayam, nagpakita siya ng pagka-irita sa mga tanong at kinailangan pa naming banggitin sa kanya ang paksa ng panayam, bagama’t malinaw naming inilahad sa sulat pakikiusap ang aming pakay, kalakip ang mga tanong. Taliwas ito sa ipinakita ng kanyang ina, na mula sa simula hanggang matapos, ay malugod kaming pinakitunguhan. Matapos naming ipaliwanag ang paksa ay ipinagpatuloy na namin ang pagtatanong. Nagbigay siya ng mga malinaw at diretsong sagot sa mga tanong na hindi nasagot o maaaring iniwasang sagutin ng kanyang ina.  Ngunit hindi maikakaila ang paulit-ulit ding pagbanggit ni Kong. Imee sa kanyang ama patungkol sa mga tanong sa relasyon ng kanilang pamilya.

 

            Nang binasa ni Kong. Imee ang tanong kung paano ang tipikal na araw ng kanilang pamilya.  Sumagot siya at sinabing:

 

“Parati kami bitbit e, kahit sa mga probi-probinsya.  Kaya nakaabot na ako sa mga kasulok-sulukan ng Mindanao at pati na rin sa Palawan, Ah, pero yung tatay ko ang talagang napaka-committed. Sa kanya ang ginawa niya ay halos wala na siyang sosyalan.  Yung mommy ko ang taga-sosyal.  Tapos siya ang libangan na lang niya mag-exercise, mag-golf.  Pero ‘pag gabi magtatrabaho na 'yan.  Kasi yung oras ng tatay ko baligtad e. Dahil oras ng gerilya ang sinundan niya hanggang namatay siya.  Nagtatrabaho siya ala-una hanggang alas-singko ng umaga.  Tapos, natutulog ng maaga, natutulog after two o'clock ng hapon, tapos magigising, tulog ulit.  Basta magulo araw nun. Puto-putol ang tulog.  Tapos umaga nagtatrabaho. So nakikita namin from school nariyan siya.  Pero yung nanay ko nasa labas.  Madalas ang tatay ko ang mas nakikita namin kaysa sa nanay namin, ah, pero yung mommy ko naman, pag-weekend magkasabay na sila....”

 

            Hindi namin naiwasang tumawa at ngumiti habang siya ay nagsasalita dahil unti-unti na kaming nakakakuha ng direktang sagot hinggil sa kanilang relasyong mag-ina. Amin ding inalam kung gaano sila kadalas magsulatan at magtawagan ng kanyang ina nang siya ay  nag-aaral sa ibang bansa.  Ang kanyang naging ay:

 

Oo madalas din, madalas din. Nanay ko madalas din, oo. Yng tatay ko matiyagang magsulat e, nanghihinayang nga ako, nung magkagulo nung 86, yung mga sulat namin sa isa’t isa ay nawala. Ewan ko di ko alam kung ano nangyari. Pero yung tatay ko talaga sinusulatan kami, ang tiyaga nun, isa-isa. Yung nanay ko madalang sumulat. Tamad sumulat yun e. at kapag sumulat yun hinuhulaan namin kung ano ang sinulat niya. Kasi hindi namin maintindihan. Dahil yung ibang sulat niya may mga, mabilis kasing mag-isip yun kung papansinin ninyo ako, yung kapatid ko, pero higit sa lahat yung nanay ko, mabilis kaming magsalita. Palagay ko sa nanay ko, kasing bilis siyang mag-isip sa kaniyang pananalita. Kaya di makahabol yung panulat. E ngayon, ang ibang mga salita, parang laktaw-laktaw. So hindi namin alam kung anong sinulat niya. Hinuhulaan pero tatawag na lang siya dahil alam nga niya di siya masyadong nagsusulat. Ang tatay ko ang liwa-liwanag ng sulat. Ang bawat susulatin niya parang pwede mo nang…ilibro e. Pwede nang for publication e – ang liwa-liwanag.

 

Hindi talagang mapigilan ni Kong. Imee ang pagbanggit sa kanyang ama. Sa madaling sabi, tunay ngang higit na naging malapit si Kong. Imee sa kanyang ama bunga na rin ng aktibong pakikibahagi ni Gng. Marcos sa pulitika. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi tipikal na ina ang pagtingin ni Kong. Imee sa kanyang ina, na ayon sa kanyang isinalaysay, ay madalas na nasa labas. 

 

            Sa nabubuong larawan sa aming isipan ng kanilang relasyon amin namang tinanong si Kong. Imee kung paano niya mailalarawan ang relasyon nilang mag-ina sa kasalukuyan. Dito naman lumitaw na nakatutulong kay Kong. Imee ang kaalaman ng kanyang ina sa pulitika o mga usaping pulitika. Tinugon niya kami ng ganito:

 

 “ A, sa ngayon, iba na yung relasyon namin ng nanay ko.  Parang dalawang babae na pareho rin, I mean, we have more things in common than we have that are different dahil, a, well, unang-una parati akong tumatakbo sa nanay ko, pati yung kapatid ko, sa mga katanungan ng pulitika.  Magaling siya e—ang lalim-lalim ng kanyang karanasan at kaalaman tungkol sa ugali ng tao e.  Kung minsan hindi na namin maintindihan, malalim ang laro ng pulitika lalo ngayon dito sa Pilipinas.  Minsan kapansanan din itong nangyari sa amin dahil pina-aral nga kami sa abroad.  Hindi 100 % Filipino ang…ang kalooban namin.  In the sense yung feeling ko kung minsan, wala, yung mga intriga, yung mga tsismis, madalas hindi ko gets.  Hindi rin naiintindihan ng kapatid ko na, ano ba yan?  E yung nanay ko siya ang nagpapaliwanag, “Hindi ganito ‘yan, kasi hindi logical ang Pilipino, kayo masyado kayong logical!  Makinig kayo!  Puro melodrama ang Pilipinas, ganito kasi yon…”  ganun.  Uhm, madalas, siya rin ang…siya rin ang talagang nakakasalba sa amin.  Pag nagkaipitan na sa Ilocos, pag wala na talaga kaming magawa, at hindi na talaga nakikinig yung tao, a, ilalabas na namin yung secret weapon naming, katulad ng tatay ko—na yung nanay ko.  Hindi makahindi ang tao sa nanay ko, e.”

 

            Muli, hindi namin naiwasang matawa sa kanyang isinasalaysay samantalang siya ay nagpatuloy sa pagsasalaysay.

 

            “Kasi, sa Ilocos lalo, e dahil nga sa dami ng tao na natulungan na niya, dahil nga sa kanyang kabaitan hindi talaga mahindian ang nanay ko so pag gipit na gipit na kami, nanay namin ang panlaban namin.  So kami ni Bongbong, lalo na sa larangan ng pulitika, napapatakbo talaga kami sa nanay ko ng madalas.  Uhm, yun.”

 

            Bagamat kakatwa na magkaiba ang konsepto ng ina nina Gng. Marcos at Kong. Imee, mapapansing pinilit pa rin ng mag-ina na magtagpo sa ilang bagay tulad ng pulitika.

 

Dahil sa pagnanais ni Gng. Marcos na makilala bilang Ina ng Bayan kami rin ay kumuha ng ibang opinyon patungkol sa personang piniling gampanan ni Gng. Marcos.  Ang mga susunod na pahayag ay hango sa pakikipanayam ni G. Michael Chua kay G. Behn Cervantes noong ika-24 ng Hulyo 2004. 

 

G. Chua:  Sir I would like to ask you of your short, some thoughts on Imelda being a mother.  What kind of mother she is to the Filipinos?

G. Cervantes:  I never thought of her as a mother.  I just didn't think, believe that propaganda that she made out herself.

 

            Mariing sinabi ni G. Cervantes na hindi niya itinuring o maituturing na Ina ng Bayan si Gng. Marcos bagkus ay isa lamang itong propaganda.  Nagpatuloy namang nagpaliwanag si G. Cervantes:

 

            “Certainly you had to take notice of her especially because during our times she was so prominent.  She was so much in our consciousness.  We who are involved in our culture had more or less had to counter-culture.  We were counter-Imelda.  Imelda meant Imeldific in extravagance then we try to take things as simple as possible.  Besides we didn't have the kind of logistics in financing that she had to fund her culture program.  If she was elitist then we were of course more nationalistic and more Filipino and more masa-oriented...”

 

            Hiningi rin ni G. Chua ang pahayag ni G. Cervantes tungkol sa mga anak ni Gng. Marcos.

 

G. Chua:  How were their children were in Malacañang?

G.Cervantes:  “...Young, spoiled, take advantage of position themselves...I saw them as continuation of a certain evil.”

 

            Sa maikling panayam kay G. Cervantes maliwanag na tinutukoy ni G. Cervantes na propaganda lamang ni Gng. Marcos ang pagganap ng tungkulin bilang Ina ng Bayan upang maging matagumpay siya sa pakikibahagi sa pulitika.

 

            Iba-iba ang pagtingin ng tao sa pagiging Ina ni Gng. Marcos.  Para sa kanyang anak, si Kong. Imee, siya ay larawan ng isang hindi tipikal na ina sa kanilang magkakapatid ngunit naniniwala sa pagganap ng kanyang Ina bilang Ina ng Bayan – “Inang Malaki” ayon kay Kong. Imee.  Sinabi rin niya na bunga ito ng pagiging labis na aktibo ni Gng. Marcos sa pulitika. Sa mga ganitong pahayag ay mahihinuhang malalim ang pagkakaunawa ng anak na babae ni Gng. Marcos sa piniling landas ng kanyang ina. Samantalang, sa mata naman ng iba na napagmasdan at naranasan ang “paghahari” ng mga Marcos sa bansa, marami ang naniniwalang propaganda lamang ni Gng. Marcos ang pagtugon sa mga pangangailangan ng taong-bayan bilang kanilang Ina upang lalong mapalawak ang kapangyarihan at impluwensya niya sa bansa.   Samantala, napatotohanan naman ni Gng. Marcos sa amin ang pagnanais niyang makilala siya bilang Ina ng Bayan sa ipinakita niyang pagtanggap sa amin at sa mga pahayag na kanyang binitawan.  Gayunpaman, alam naming si Gng. Marcos ay puno ng karisma; ngunit, tulad nga ng pahayag ni G. Cervantes mahalagang alamin kung ano ang tunay niyang pakay sa pagganap bilang “INA ng Bayan.”

 

MGA SANGGUNIAN

 

Mga Aklat:

 

Barnes, John.  Evita—First Lady.  New York:  Grove Press, Inc., 1978.

 

Burton, Sandra.  Impossible Dream:  The Marcoses, The Aquinos, and the Unfinished

Revolution.  Warner Books, New York. 1989.

 

Foss, Clive. Juan and Eva Perón.  Bath, Avon:  Sutton Publishing, 1999.

 

Gagelonia, Leticia S. Guzman.  Hamon Sa Kagitingan:  Marcos ng Silangan.

  Caloocan City:  Ricson’s Enterprises, 1972.

 

Maramag, Ileana. Ed. Ideas of Imelda Marcos (Two Volumes).  National Media

Production Center, Manila, 1978.

 

Marcos, Imelda Romualdez.  Circles Of Life.  Privately published, 1995.

 

__________. Golden Quotations Of Our First Lady, selected and compiled by Julio F.

Silverio.  Manila:  National Book Store, Inc., 1978.

 

__________. The Compassionate Society And Other Selected Speeches.  National Media

Production Center, 1977.

 

Marcos Of The Philippines, introduction by Francisco S. Tatad.  Manila:  Department of

Public Information, 1975.

 

Ortiz, Alicia Dujovne.  Eva Perón: A Biography.  New York:  St. Martin's Press, 1997. 

 

Paterson, James Hamilton.  America’s Boy:  The Marcoses And The Philippines

London:  Granta Books, 1998.

 

Pedrosa, Carmen Navarro. The Rise And Fall Of Imelda Marcos.  Manila:  Bookmark,

1987.

 

__________, The Untold Story Of Imelda Marcos.  1969.

 

Perón, Eva, La Razon De Mi Vida.  Ediciones Peuser, 1952.

 

Polotan, Kerima.  Imelda Romualdez Marcos:  A Biography Of The First Lady Of The

Philippines.  Cleveland, Ohio:  The World Publishing Company, 1970.

 

Seagrave, Sterling.  The Marcos Dynasty.  New York:  Harper and Row, Publishers,

 1988.

 

Spence, Hartzell.  Marcos Of The Philippines.  Cleveland, Ohio:  The World Publishing

Company, 1969.

 

Mga Dokumento:

 

Chua, Michael Charleston B. Talaarawan, ika-26 ng Agosto at ika-6 ng Setyembre, 2004

 

Marcos, Imelda Romualdez.  Mga guhit ni Gng. Marcos sa kanyang lektyur tungkol sa Circles of Life.

 

Mga Peryodiko:

 

“All the President's Daughters.” Philippine Tatler September 2001.

 

Alampay, Roby.  “The Long Apology of Imee Marcos.” Flip Issue no. 3 Vol. no. 2.

 

Cruz, Tati V.  “Special Report: Imee Marcos.” The Leader September 2002, Vol. 1 No. 3.

 

“Imee's Double Life.”  Philippine Tatler July 2002.

 

“I'm Me!”  People Asia March 2002.

 

Marcos, Imee.  “Remembering February 1986.” Newsbreak February 2003.

 

Oriondo, Ann Montemar.  “Imee Marcos: 'How I Came Into My Own.'” The Philippine

Star Allure, June 09, 2002.

 

Sison, Marites N.  “Imee Marcos.” Filipinas November 1999.

 

Ureta, Anjie Blardony. “A New Imee Marcos.” Lifestyle Asia June 19, 1997.

 

Mga Pulyetos:

 

Marcos, Imelda Romualdez.  Mothering:  The Rising Spirit.  Privately Published.

 

Mga Bidyo:

 

“A Dangerous Life.” Apat-na-bahaging dulang pantelebisyon na kinatatampukan ni Gary

Busey at Rebecca Gilling, sa direksyon ni Robert Markowitz, Shuiyi Investment,

 Ltd.  1988.

 

“Imelda.”  Dokumentaryong nagwagi sa Sundance Film Festival na kinatatampukan ni

Imelda Romualdez Marcos, sa direksyon ni Ramona Diaz Independent Television

 Service.  2003

 

 

“Probe Team Documentaries:  Pamana Ni Marcos,” pinalabas sa ABC-5, Setyembre

2004.

 

Internet:

 

Ang Opisyal na Website ni Imee Marcos: http://www.imeermarcos.com/bio.html.

 

Mga Panayam:

 

Cervantes, Benjamin Holcombe “Behn.”  Lungsod Quezon, Ika-24 ng Hulyo, 2004.

 

Marcos, Imelda Romualdez.  Lungsod ng Makati, Ika-26 ng Agosto, 2004.

 

Marcos, Ma. Imelda “Imee.”  Batasang Pambansa, Lungsod Quezon, Ika-6 ng Setyembre, 2004.

 

 

NOTES:

[1] “A Dangerous Life,” apat-na-bahaging dulang pantelebisyon na kinatatampukan ni Gary Busey at Rebecca Gilling, sa direksyon ni Robert Markowitz, Shuiyi Investment, Ltd., 1988.

[2] Ureta, Anjie Blardony, “A New Imee Marcos,” Lifestyle Asia, June 19, 1997.

[3] Si Bb.  Imee Marcos ay ang kasalukuyang kinatawan ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte sa Kapulungan ng Mga Kinatawan (House of Representatives).

[4] Pedrosa, Carmen Navarro, The Untold Story Of Imelda Marcos (1969), pp. 17-18.

[5] Idem, The Rise And Fall Of Imelda Marcos, Manila:  Bookmark, 1987, pp. 34-35, 46-49.

[6] Polotan, Kerima, Imelda Romualdez Marcos:  A Biography Of The First Lady Of The Philippines Cleveland, Ohio:  The World Publishing Company, 1970.

[7] Pedrosa, Rise And Fall, pp. 47-49.

[8] Ibid, p. 115.

[9] Pedrosa, Untold Story, pp. 3-5.

[10] Ibid, p. 49.

[11] Barnes, John, Evita—First Lady,New York:  Grove Press, Inc., 1978; Foss, Clive, Juan and Eva Perón Bath, Avon:  Sutton Publishing, 1999; Ortiz, Alicia Dujovne, Eva Perón: A Biography,New York:  St. Martin's Press, 1997; at Perón, Eva, La Razon De Mi Vida ,Ediciones Peuser, 1952.

[12] Pedrosa, Untold Story, p. 94

[13] Marcos, Imelda Romualdez, Golden Quotations Of Our First Lady, selected and compiled by Julio F. Silverio. Manila:  National Book Store, Inc., 1978, p.  45.

[14] Pedrosa, Untold Story, p. 182.

[15] Ibid, p. 185-186.

[16] Seagrave, Sterling, The Marcos Dynasty, New York:  Harper and Row, Publishers, 1988, p. 159.

[17] Pedrosa, Untold Story, p. 190.

[18] “Imee's Double Life,” Philippine Tatler, July 2002.

[19] Hartzell, Marcos Of The Philippines, Cleveland, Ohio:  The World Publishing Company, 1969, p. 264; Marcos Of The Philippines introduction by Francisco S. Tatad ,Manila:  Department of Public Information, 1975, p. 92; at Polotan, pp. 192-197.

[20] Gagelonia, Leticia S. Guzman, Hamon Sa Kagitingan:  Marcos ng Silangan, Caloocan City:  Ricson’s Enterprises, 1972, p. 124, 128.

[21] Marcos, Imelda Romualdez, “The New Filipina” in The Compassionate Society And Other Selected Speeches , National Media Production Center, 1977, p. 26.

[22] Spence, p. 266.

[23] “Probe Team Documentaries:  Pamana Ni Marcos,” pinalabas sa ABC-5, Setyembre 2004.

[24] Oriondo, Ann Montemar, “Imee Marcos: 'How I Came Into My Own,'” The Philippine Star, Allure, June 09, 2002.

[25] “All the President's Daughters,” Philippine Tatler, September 2001.

[26] Ibid.

[27] Sison, Marites N. “Imee Marcos,” Filipinas, November 1999.

[28] Oriondo.

[29] “All the President's Daughters.”

[30] Seagrave, p. 194.

[31] Spence, p. 93.

[32] Cruz, Tati V., “Special Report: Imee Marcos,” The Leader, September 2002 Vol. 1 No. 3.

[33] Cruz, at sa opisyal na website ni Imee Marcos, http://www.imeermarcos.com/bio.html.

[34] Ureta.

[35] Sison.

[36] Ibid.

[37] Oriondo.

[38] “All the President's Daughters.”

[39] Mula sa opisyal na website ni Imee Marcos, http://www.imeermarcos.com/bio.html.

[40] Paterson, James Hamilton, America’s Boy:  The Marcoses And The Philippines (London:  Granta Book, 1998), p. 362. Noong 1981, ikinasal si Prinsepe Carlos ng Wales kay Bb. Diana Spencer at sila’y nagkaroon ng dalawang anak, sina Harry at William. Naghiwalay ang dalawa noong 1996.

[41] Seagrave, p. 390.

[42] Seagrave, p. 391; Pedrosa, The Rise And Fall, p. 170-171.

[43] Ibid, p. 391, Ibid. p. 172-175.

[44] Pedrosa, The Rise And Fall, p. 173-175.

[45] Ibid, p. 175.

[46] Sison.

[47] Oriondo.

[48] Sison  .

[49] Ureta.

[50] “Imee's Double Life.”

[51] Embahador ng Estados Unidos sa Pilipinas noong panahong iyon.

[52] Marcos, Imee, “Remembering February 1986,” Newsbreak, February 2003.

[53] Ibid.

[54] Ibid.

[55] Sison.

[56] Marcos, Imee.

[57] Cruz.

[58] Cruz.

[59] Ibid.

[60] Marcos, Imee.

[61] “Imee's Double Life.”

[62] “I'm Me!” People Asia, March 2002.

[63] Sison.

[64] Paterson, p. 254.

[65] Oriondo.

[66] Alampay, Roby, “The Long Apology of Imee Marcos,” Flip, Issue no. 3 Vol. no. 2.

[67] Sison.

[68] Ureta.

[69] Ibid.

[70] Ilang araw matapos ang panayam kay Imelda, dumating ang kaarawan ni Ferdinand Marcos noong Ika-11 ng Setyembre, 2004.  Nagtungo si Imelda sa Ilocos Norte kasama ang ampon niyang si Aimee at ilang kamag-anak, subalit hindi nakarating ang tatlong anak ni Imelda na nasa ibang bansa upang ipa-enroll ang kanilang mga anak (Mula sa “Probe Team Documentaries:  Pamana Ni Marcos,” pinalabas sa ABC-5, Setyembre 2004).

[71] Ureta.

*Crisostomo, Isabelo.  Imelda Romualdez Marcos: Heart of the Revolution.

                     Quezon City: Interlino Printing Co., Inc., p. 7-8.